.BUKOD kay PNP Chief Director General Alan Purisima, isa pang opisyal ng gobyerno na puro kontrobersiya ang kinakaharap mula nang maupo sa puwesto ay itong si Acting Health Secretary Janette Garin.
Matapos umani ng mga pagbatikos kaugnay ng pagbisita sa Caballo Island na walang protective gear sa kabila ng 21-araw na quarantine na isinasagawa noon sa mga peacekeepers mula sa Liberia, heto at nauugnay na naman ang pangalan sa panibagong kontrobersiya.
Umani na naman ng mga batikos sa mga netizen ang ginawang infomercial ng Department of Health (DOH) dahil sa mga pangit at mga maling salitang ginamit nito kaugnay sana ng kampanya laban sa teenage pregnancy.
Tawagin ba namang ‘bobo’ at ‘gaga’ ang mga kabataan na siyang pinatutungkulan ng informercial laban sa teenage pregnancy.
Halatang minadali ang infomercial at hindi talaga katanggap-tanggap sa mamamayan.
Ilang oras matapos itong i-upload sa opisyal na Facebook page ng DOH, agad ding inalis ito dahil nga sa mga negatibong reaksyon laban dito.
Makikita sa huling bahagi ng infomercial si Garin na nagbibigay ng mensahe.
Hindi naman kaila sa publiko na target talaga ni Garin ang puwesto bilang permanenteng DOH Secretary. Hindi ba’t
usap-usapan na gusto talaga siyang iupo sa kagawaran kayat hinahanapan ng butas itong si onleave DOH Secretary Enrique Ona.
At hindi pa nga nag-iinit sa upuan bilang acting secretary, ang dami kaagad na kontrobersiyang kinakaharap itong si Garin.
Hindi pa nagtatapos ang kontrobersiyang dulot ng informercial. Kamakailan, nagbanta ang isang entertainment company mula sa South Korea na kakasuhan ang DOH ng plagiarism matapos kopyahin ang tono ng isang kanta ng isang South Korean group sa ginawang infomercial.
Masyado kasing nagmamadali na makaupo, hayan tuloy at hindi na pinag-iisipan nang mabuti ang nagiging aksyon ng acting secretary.
Laman tuloy ang Pilipinas ng mga social media sa South Korea dahil sa ginagawang kapalpakan ng DOH.
Minsan lamang tayo pag-usapan sa ibang bansa ay negatibo pa ang dating ay ito nga ay kaugnay ng pangongopya sa K-Pop.
Dapat kay Garin, antayin na muna niya kung siya na talaga ang itatalaga bilang kalihim ni Pangulong Aquino. Masyado ka namang nagmamadali Usec., baka lalong maudlot ang ambisyon mo.
Ang daming trabaho na dapat tutukan ng DOH at ang pagiging laman ng media linggo-linggo ng mga negatibong balita ay hindi rin nakakatulong sa buong ahensiya.
May problema tayo sa bantang pagpasok ng ebola virus sa bansa, ganun din sa mga dati nang kinakaharap ng kagawaran kagaya ng dengue, mga kaso ng pagtaas ng AIDS, at iba’t-ibang mga sakit na alam nating hindi pa rin nabibigyan ng tuon ng DOH, kagaya na lamang ng pagtaas ng bilang ng mga namamatay dahil sa TB.
Okay lang na magpakontrobersiya paminsan-minsan kung ito ay para sa ikabubuti ng nakakarami.
Kagaya na lamang ng pamumudmod noon ng condom ng DOH. Bagamat tinutulan ito ng Simbahan, alam ng mas nakakarami na sinsero noon ang liderato ng dating kalihim ng DOH para mapigilan ang pagtaas ng kaso ng AIDS at HIV.
Magtrabaho ka muna Mam kung gusto talagang maging permanente ang iyong posisyon at hindi nagpapakontrobersiyal ka na lang.