PUNONG-ABALA ang Comedy Queen sa Christmas party niya for her domestic staff sa kanyang marangyang bahay sa Ayala Hillside, Quezon City. Pagkatapos ng kainan ay nagpa-raffle na si Ai Ai from cellphones to cash prizes.
At sa huli, ibinigay na niya ang bonus para sa kanyang household helpers, drivers and personal staff. “Christmas wish ko, na ayun, first ‘yung mga kababayan natin sa ano, hindi naman gaanong nasalanta.
At sana ‘yung mga binigay sa kanilang tulong mapunta na sa kanila,” bungad ni Ai Ai. Kasunod na wish ni Ai Ai ay sana mag-prosper ang career ng panganay niyang anak na si Sancho sa Kapuso network.
Nakatakdang pumirma ang binata bilang talent ng GMA7 on Dec. 18. “Gusto ko maging versatile actor siya. Pwede siya sa comedy, pwede siya sa drama, pwede siya kontrabida.
Ayoko noong isang ano, pero magbu-bloom naman ‘yan kung saan siya ilagay,” sabi niya. Nilinaw agad ng Comedy Queen sa amin na hindi niya pinilit si Sancho na mag-artista.
Kung siya lang daw talaga ang masusunod, ayaw niyang mag-artista ang kanyang mga anak. Pero tingin naman daw niya ay handang-handa na si Sancho sa showbiz kahit pa makalkal ang kanyang personal life.
Dati pa raw gusto ni Sancho na mag-artista. Pero gusto ni Ai Ai na tapusin muna niya ang kanyang pag-aaral. Kaya ngayong nakatapos na si Sancho sa kanyang culinary arts course, pinayagan na siya ni Ai Ai.
“Gusto naman daw niyang i-try dahil dati pa niyang gusto. Sabi niya, parang ‘yung legacy. Kasi ang tatay niya, the biological, aside from the…si Miguel (Vera, ex-partner ni Ai Ai), e, stage actor.
Magaling at mahusay. May pinaghuhugutan siya (Sancho),” sabi pa niya. Anyway, doon pa rin sa kanyang charity institution na tinutulungan magse-celebrate ng kanyang Pasko si Ai Ai kasama si Sancho at malamang pati ang boyfriend niyang si Gerald Sibayan.
“Tapos New Year, nasa Boracay kami. Mga anim kami na pupunta doon sa 27 (December), 28, 29. Balik ako ng Manila ng 30 para sa kasal ni kambal (Marian Rivera). Tapos balik ako ng 31 ulit,” sey pa ng komedyana.
Ang favourite designer na si Maxi Cinco ang tumahi ng damit na susuutin niya sa wedding nina Dingdong at Marian, “Abay ako, veeeil?! Nakakabata ‘di ba? Ha-hahahaha!”
Wish niyang tumagal ng 50 years sina Dong at Marian at ikasal ulit sila sa kanilang ika-50th wedding anniversary.