Chiongbian naka-2 pang ginto sa Batang Pinoy

NAKITA ang magandang kondisyon ng Cebuanong si Fredric Albert “Yuan” Chiongbian nang nanalo pa ng dalawang ginto sa magkaibang sports disciplines sa pagpapatuloy ng 2014 Batang Pinoy National Finals kahapon sa iba’t-ibang palaruan sa Bacolod City, Negros Occidental.

Naunang tinulungan ni Chiongbian ang kampanya ng mixed relay triathlon team ng Cebu sa Panaad Sports Complex at agad na tumulak patungong New Airport Access Road sa Silay City para pangunahan ang Individual Time Trial sa cycling.

Kasama sina Aaliyah Mataragnon, Ralph Eduard So at Nyza Archival, ang Cebu ay nakapagtala ng isang oras, tatlong minuto at 33 segundo para talunin ang Davao City sa mixed team triathlon na pinaglabanan sa 200-meter swim, 3-kilometer bike at 1.2-kilometer run distance.

Sina Pia Suarez, Jose Manuel Arao, Karla Lim at Jose Sebastian Regis ang bumuo sa Davao na naorasan ng 1:04:49.

May dalawang koponan pa ang sumali pero hindi sila binilang dahil binuo ito ng mga triathletes mula sa iba’t-ibang rehiyon.

“We allowed them to join to experience the race but they are not allowed to win medals,” wika ni TRAP technical delegate Ric Reyes.

Noong 2013, si Chiongbian ay nakasama ng Mandaue City na tinalo ang Cebu sa gintong medalya sa nasabing event.

Hindi na nagbihis si Chiongbian dahil ganap na alas-9 ng umaga sinimulan ang boys’ 13-15 ITT race at nakapagtala ang 15-anyos atleta ng 20 minuto at 56.71 segundo sa 15.6-kilometer race.

Tinalo niya ang dalawang Bacolod cyclists na sina Andrew Salado (20:57.81) at Jude Dejilla (21:55.43) para sa pilak at tansong medalya.

Ito na ang ikatlong ginto ni Chiongbian matapos pagharian ang boys’ triathlon noong Martes at possible pang umabot sa lima ang kanyang mapapanalunan sa kompetisyong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) na may basbas ng Philippine Olympic Committee (POC) at suporta ng host Bacolod City at Province of Negros Occidental.

Mangyayari ito dahil sumali pa si Chiongbian sa road race ng cycling kahapon ng hapon at kakarera sa duathlon ngayong umaga.

Nagpasikat din si Mataragnon dahil siya ang kampeon sa ITT girls’ 13-15 division sa itinalang 12:38.26 oras sa 7.5 kilometrong karera.

Read more...