Maraming batas nga naman sa ating bayan na mismong mga nagpapairal ang bumubutas. Bawal magdala ng baril, pero ang mga mismong nagbabawal ang may bitbit sa bewang, bawal ding magpaputok ng baril kapag Bagong Taon pero sino ba ang nahuhuling gumagawa ng ganu’n na nakamamatay pa nga ng mga sibilyan?
‘Yun ang naging paksa sa isang umpukan nu’ng isang gabi dahil sa mga naglalabasang retrato ni DILG Secretary Mar Roxas na kaangkas pa si Secretary Edwin Lacierda nang sumemplang ang sinasakyan nilang motorsiklo sa probinsiya.
Wala silang suot na helmet, naka-cap lang si Secretary Mar at si Secretary Edwin naman ay tinatangay ng hangin ang buhok, nasilip ‘yun ng ating mga kababayan.
Dahil sa hindi nila pagsusuot ng pangproteksiyong helmet ay nagkakaisa ang mga kababayan natin sa pagsasabing lumabag sila sa Mandatory Helmet Act of 2010.
Ipinagbabawal ang pagmomotorsiklo, malapit man o malayo, nang walang suot na helmet ang nagmamaneho o ang nakaangkas.
Hinuhuli sa kalye ang mga nagmomotor na walang suot na helmet dahil napakadelikadong magbiyahe na walang pananggalang sa aksidente ang nagmamaneho.
Sabi tuloy ng mga nagkukuwentuhan, “Pairal sila nang pairal ng batas, pero sila naman ang bumubutas! Marami silang ipinagbabawal, pero sila mismo ang sumisira sa mga bagay-bagay na ipinagbabawal nila!”
Onli in da Pilipins!
Naman!