MULI nanaman tayong nagising sa katotohanan na marami pa ring Pilipino ang walang maayos na tinitirahan.
Marami ang nakatira sa gilid ng ilog, estero at dagat na siyang unang
inililikas kapag may bagyo.
Hindi masolusyunan ang problemang ito dahil sa kakulangan ng pondo ng gobyerno at dahil ayaw din namang umalis ng marami sa kanilang kinalakihang lugar.
Nariyang idinadahilan na malayo ang lugar na paglilipatan nila sa kanilang mapapasukan at kung anu-ano pa.
Kaya hirit ng House committee on housing and urban planning na pinamumunuan ni Negros Occidental Rep. Albee Benitez ay sundan ang yapak ng mga non-government organization na nagtatayo ng bahay para sa mahihirap.
Aniya, ang mga nais na magkaroon ng sariling bahay ay dapat na tumulong sa paggawa niya ng kanyang bahay.
Maaaring hindi siya pasuwelduhin, at ang kikitain sana niya ay iawas sa kanyang babayaran sa bagong bahay.
Kung walang mapapasukang trabaho kung saan sila inilipat, bakit hindi na sila isali sa food for work program? Magwalis ka sa komunidad at papasahurin ka ng gobyerno.
Sa kabila ng malaking ginagastos ng gobyerno sa evacuation center na paulit-ulit na nangyayari, baka makatipid ang gobyerno kung bibigyan ng maayos na bahay ang mga ito at titiyakin na wala ng magtitirik ng bahay sa mga mapanganib na lugar.
Ano ba itong napapabalita na may isang malaking kaso ang dedesisyunan ng Korte Suprema?
Ang desisyon ay patungkol sa pag-upo ng isang alkalde na diskuwalipikado raw kaya hindi maaaring tumakbo sa kanyang inuupuang puwesto.
Sikat ang alkaldeng ito dahil sa pagiging maka-“mahirap” at tino-tolerate ng masa ang kanyang imoralidad sa buhay.
May mga nagsasabi na hinihilot na ng alkalde ang SC para hindi ang masamang balita ang maging regalo sa kanya ngayong Pasko.
Nasa unang termino pa lamang ang alkalde na mukhang hindi na iniwan ng malas dahil kung magkakatotoo, ito na ang ikalawang rejection sa kanya. ilala n’yo siya, walang duda.
May mga nakapansin sa city hall ng Quezon City.
Kung kailan daw magpapasko ay nawala ang maniningning na ilaw sa malaking gusali nito.
Kung dati (malayo pa ang Pasko) ay tanaw na tanaw ang kumikinang na ilaw ng city hall ngayon ay hindi na ito nakikita.
Ano bang nangyari?
Hindi naman siguro sila natatakot na masunog ang city hall dahil sa mga ilaw na ito.
Ang mga nasusunog na ilaw ay kalimitang mga substandard at mukhang malabo naman na palusutin ito ng city hall.