Best seller ang magiging libro ng Swiss hostage

NAKATAKAS sa mga kamay ng Abu Sayyaf ang Swiss hostage na si Lorenzo Vinciguerra habang ang kampo ng mga teroristang Muslim ay binobomba ng government troops sa Sulu.

Nakakita ng pagkakataon si Vinciguerra nang isang Abu Sayyaf commander ay nagkukubli sa mga mortar rounds na pinauulan sa kampo ng mga Abu Sayyaf sa Patikul, Sulu.

Dinampot ni Vinciguerra ang barong, ang itak pandigma ng mga Tausog na madalas ginagamit sa pamumugot ng ulo, na pagmamay-ari ng moklo.

Ginamit ng Swiss ang barong mismo sa may-ari nito.

Pinaniniwalaang na-patay ni Vinciguerra ang Abu Sayyaf.

Niyakag ni Vinciguerra ang kanyang kasamahang Dutch na si Ewold Horn na tumakas nang mapatay niya ang Abu Sayyaf commander, pero masyadong mahina si Horn at hindi makatakbo.

Si Vinciguerra at Horn, na pawang mga bird-watchers, ay ginawang bihag ng mga Abu Sayyaf habang sila ay nagsasagawa ng birdwatching sa Tawi-Tawi.

Natagpuan si Vinciguerra ng mga Army Scout Rangers na sugatan.

Binaril at tinamaan ang Swiss national ng kasamahan ng Abu Sayyaf na kanyang napatay.

Puwedeng gawing pelikula ang pagkakatakas ni Vinciguerra sa mga Abu Sayyaf at ang paghihirap niya at ni Horn sa mga kamay ng mga terorista ng dalawang taon.

Tiyak na magiging blockbuster ang pelikula tungkol kay Vinciguerra.

Kung isusulat naman niya ang pagkabihag niya at ni Horn sa libro, magiging best seller naman ito.

Abangan natin ang libro o pelikula ni Vinciguerra.

Ang nakakaawa ay si Horn dahil tiyak na gagantihan ito ng mga kasamahang Abu Sayyaf na pinatay ni Vinciguerra.

q q q

Ang libro na isinulat Gracia Burnham, isang missionary na nabihag ng mga Abu Sayyaf noong 2001, ay nasa best sellers list ng New York Times.

Si Burnham at ang kanyang asawa na si Martin ay nagbabakasyon sa Dos Palmas, isang island resort sa Puerto Princesa City, nang pasukin ang resort ng mga Abu Sayyaf.

Ang mga Burnham, sampu ng ilan pang mga guests ng resort hotel, ay isinama ng mga Abu Sayyaf sa Basilan.

Isa sa mga Amerikanong bihag, si Guillermo Sobero, ay pinugutan ng mga Abu Sayyaf “as a birthday gift to President Gloria Macapagal-Arroyo.”

Namatay si Martin Burnham sa rescue operation na isinagawa ng elite government troops, at nailigtas si Gracia.

Ang librong “In the Presence of My Enemies” ay nagtala ng 350,000 copies sold.

q q q

Tiyak na mas mas maraming copies na bibilhin ang libro na isusulat ni Vinciguerra kesa doon kay Burnham dahil may element of adventure ang kay Vinciguerra.

At siyempre, everybody loves a winner which Vinciguerra is dahil nakatakas siya at napatay niya ang isa sa kanyang mga captors.

Si Burnham, dahil isang babae, ay nailigtas samantalang si Vinciguerra ay nakatakas.

Read more...