EXPERIENCE indeed is the best teacher.
Malaki na nga ang pagkakaiba ng kahandaan ng mga ahensiya ng pamahalaan sa paghahanda at mobilisasyon sa panahon ng kalamidad.
Ngunit para sabihin ang kahandaan ng tao o ng namamahala sa pamahalaan ang pinakasusi sa mas mababang bilang ng casualty ay hindi ganap na totoo.
Ayaw kong mag-tunog relihiyosa, pero nais kong ipunto na hindi maaaring sukatin o ibabala ang ganap na maaaring idulot na pinsala ng kalikasan.
Ang zero casualty ay target. Walang masama dito. Ngunit ang zero casualty ngayon sa maraming lugar ay maaaring hindi ang katulad na kuwento sa susunod na pag-kakataon.
Ang katotohanan ng hamon ng Climate Change ay ang katotohanang walang magkakatulad na banta.
Ang katiyakan lamang dito ay ang marami itong porma. Walang iisang banta, walang iisang solusyon o lunas.
Iba-iba man ang porma nito, may mga ilang pamamaraang dapat ay matukoy na siyang mas magpapatatag sa mga mamamayan na baka kayanin ang anumang unos.
Muli babalikan natin ang karanasan ng “Yolanda” sa pagtukoy ng isang payak na solusyon na kayang pondohan at kayang patatagin kung tunay ang layuning makatulong sa mga palagiang nasa daanan ng bagyo.
Hindi ito batikos o puna. Ngunit katotohanan na ang mga istrakturang pinaglipatan sa mga pamilyang nasalanta sa bagyong Yolanda ay ang una ring napinsala ng bagyong Ruby.
Ang sasabihin diyang palusot, kaya nga temporary shelter eh. Ang sabi ko naman, kaya nga kitang-kita na hindi sila talaga tinulungan.
Pansamantala din lamang. Paano kung dumating ang daluyong (storm surge)? Yun ang kaibahan ngayon, mas matagal at mas maraming naibuhos na ulan ngunit hindi mabagsik ang mga daluyong.
Ang muling pagkapinsala ng mga istrakturang itinayo ng pamahalaan para sa mga minsan ay nawalan na ng lahat-lahat sa kanila ay patunay na bagaman may malaking pagkakaiba sa kahandaan at mobilisasyon sa panahon ng kalamidad, ito ay sa reaksiyunaryong antas lamang at hindi kumakatawan sa tunay na tulong na nararapat sa kanila na kayang ibigay hindi pansamantala kundi pangmatagalan.
At oo nga pala, sa nag-aakalang puwedeng plataporma ang pagtugon sa kalamidad sa ambisyon sa 2016, maaaring tama siya o ang kampo niya. Yan ay kung gagawin nila ang inaasahang trabaho ng tama at hindi para pumorma lamang.
Sa bawat unos na dumaraan, magpasalamat tayo, kasama na ang pagpapasalamat na makita ang mga tama at hindi tama sa kung paano ang isang pamahalaan ay tumutugon sa pangangailangan ng kanyang mamamayan.