Di magiging malamig ang Pasko ko…at guwapo siya! – Vice Ganda

vice ganda pa
HINDI magiging malamig ang Pasko ng TV host-comedian na si Vice Ganda.

Ayon sa bida ng 2014 MMFF entry na “The Amazing Praybeyt Benjamin”, mali raw ang iniisip ng ibang tao na malungkot siya sa darating na Pasko dahil wala siyang lovelife.

Kung matatandaan, naging kontrobersiyal ang lovelife ni Vice ilang buwan na ang nakararaan matapos mag-deny ang basketball player na si Terrence Romeo tungkol sa naging relasyon daw nila ng It’s Showtime host.

Dating member si Terrence ng Far Eastern University Tamaraws na naglalaro ngayon na para sa GlobalPort Batang Pier sa PBA. Naging malaking isyu ito nang mag-post naman si Vice sa kanyang Instagram account na “It’s over” na pinaniniwalaan ng marami na para kay Terrence.

Sa nakaraang presscon ng “The Amazing Praybeyt Benjamin” kinumpirma ni Vice na mero nang bagong lalaking nagpapasaya sa kanya, “Ay, hindi malamig ang Pasko ko! Sinabi ko na sa inyo, mali ang alam niyo.

“Hindi, basta hindi malamig ang Pasko, masaya ang Pasko ko. Siyempre, kailangang may inspirasyon na ganu’n, hindi puwedeng wala. Dini-deserve naman nating lahat yun, ‘di ba, na humarot at kiligin paminsan-minsan.

Nakakadagdag ito sa ngiti natin, ‘di ba?” pahayag ni Vice. Pero tumanggi ang TV host-comedian na magbigay ng karagdagang detalye, “Wala nang details. Siyempre, para sa akin, guwapo, ‘no, basta!”

Kung may natutunan man siya sa kanyang past relationships, ito ay ang, “You keep experiencing the same things over and over again. The same thing, the same happiness, the same thing.”

At hindi rin daw siya napapagod na mabigo sa pag-ibig,  “Hindi, kasi ‘pag napagod ka, ‘di matigok ka na lang, ‘di ba? At kapag kasi ‘pag nagsara ‘yan (puso), mamamatay ako. Hindi man siya priority, pero meron dapat, ‘di ba?”

Samantala, tuloy na ang gagawing surgery sa lalamunan ni Vice ngayong January, 2015. Ilang araw ding nagpaghinga kamakailan si Vice dahil nga sa problema niya sa kanyang kalusugan.

Kaya natanong din si Vice kung ano na ang lagay ng health niya ngayon, “Okay naman, nakaka-survive pa naman. Pero sa January, pagkatapos na maipalabas itong pelikula (The Amazing Praybeyt Benjamin), meron akong surgery.

Hindi kasi natanggal yung polyps du’n sa vocal cord, ayun.”Okey naman, puwede namang itrabaho na, hindi lamang puwedeng abusuhin ng masyado,” sey ni Vice.

“Hindi ako masyadong nakakakanta ngayon. Paisa-isa puwede, pero yung talagang malala, hindi uubra kasi pipiyok ako nang bongga,” aniya pa.

Hindi naman daw siya natatakot sa gagawing surgery sa kanya, “Kasi in-assure ako…ang ate ko kasi ay ENT (Eye, Nose, Throat doctor). Siya naman ang nagsabi sa akin na safe, wala naman daw tahi sa labas kasi nga sa loob daw yung tahi.

E, natatakot ako dati, kasi yung Joan Rivers, pareho kami ng case. Kaya in-assure nila na hindi raw (dapat mangamba).”
Ang tinutukoy ni Vice na Joan Rivers ay ang American TV host-comedienne na namatay noong Sept. 4 matapos magkaroon ng iba’t ibang kumplikasyon habang sumasailalim sa minor surgery sa kanyang lalamunan.

Speaking of “The Amazing Praybeyt Benjamin”, makakasama rin dito sina Tom Rodriguez, Richard Yap, Bimby Aquino Yap, Alex Gonzaga, sa direksiyon ni Wenn Deramas.

Read more...