Vice Ganda: Sige, kine-claim ko nang magiging number one kami sa MMFF!

vice ganda
“BALIK-TAMBALAN” si Unkabogable Star Vice Ganda at ang guwapong aktor na si Tom Rodriguez sa “The Amazing Praybeyt Benjamin” sa direksyon ni Wenn Deramas under Star Cinema and Viva Films.

Una silang nagkasama noon sa launching movie ni Vice na “Petrang Kabayo.” Pero kung noong una ay sila ang mag-partner, this time, si Tom naman ang maggiing kalaban ni Vice sa movie.

“May fight scene kami ni Tom Rodriguez na noong una akala namin joke-joke lang tapos may dumarating na fight instructor na talagang pinapa-career ‘yung mga bugbugan, suntukan,” bungad ni Vice sa presscon ng “The Amazing Praybeyt Benjamin” na ipapalabas ngayong Pasko.

Nu’ng una raw ay ang saya-saya nilang ginagawa ni Tom ‘yung fight scene, pero pag-uwi ng bahay, ang sakit daw ng katawan ni Vice dahil hindi naman daw siya sanay.

“Pero na-enjoy ko kasi ‘yun naman talaga ang gusto kong gawin. Gusto ko talagang mag-aksyon. Meron pa kami doong isang bonggang pasabog ni Direk Wenn na malalang stunts-stunts. ‘Yun talaga ang ang maipagmamalaki ko rito na hindi ko nagawa noong first part,” kwento pa ni Vice.

Mas special rin ngayon ang “The Amazing Praybeyt Benjamin” dahil kasama rin niya rito sina Richard Yap at Alex Gonzaga.
“Hindi sa masyado kong plina-flatter ‘yung dalawa bilang mga paborito ko. Iba ‘yung presensya ni Richard, e.

Ang laki nang naitulong niya sa akin.  Noong una, si Derek (Ramsay), ang naitulong niya parang may karne doon sa pelikula, ‘di ba? ‘Di ba ‘yung mga babae talagang tinitilian siya. ‘Yung kada hubad niya, ‘yun talaga ang inaabangan sa kanya.

Si Richard, nabigay din niya ‘yun, ‘yung karne-karnehan.  Naghubad din po siya rito,” natatawang sabi ni Vice. Bukod daw doon, nagpapatawa raw talaga si Richard sa movie.

Kaya hindi masyadong malaki ang pressure kay Vice sa part two ng “Praybeyt Benjamin.” “Hindi katulad noong ‘Girl, Boy, Bakla, Tomboy’ ‘yung bida na apat, e, puro ako.

Ngayon, hindi po kinakailangan na ako lang, kasi po merong Richard Yap. Tapos meron pang Alex Gonzaga na kahit na wala sa  script, nagkakaroon talaga ng magandang moment ‘yung eksena,” pagmamalaki niya.

Dagdag pa niya, “Ang galing talaga ni Alex. Meron siyang naitulong ng konti sa pelikulang ‘to. Ha-hahaha! Hindi talaga, ang laki ng saya ko na kasama si Alex dito kasi hindi ako masyadong nahirapang magpatawa.

Kung mawaley man ako, meron pa akong Richard Yap. Kung mawaley pa ‘yung Richard, meron pa tayong Alex na aasahan.”
Kini-claim ni Vice na magiging number one ngayong taon sa Metro Manila Film Festival ang “The Amazing Praybeyt Benjamin.”

“Lagi kong kini-claim, number one ‘to, mga P400 million ‘to, mga P500, o P600 million. Kini-claim ko kasi mabait ‘yung Diyos sa akin, e. Kung ano ‘yung kini-claim ko, ibinibigay Niya and He never failed me kahit pa nu’ng kauna-unahang araw na nag-pelikula ako.

“And nakikita naman natin, na every year ibinibigay Niya. Sabi ko nga kay Direk Wenn, ang taray nu’ng ginu-Google ko ang mga pelilkula natin since 2011 hanggang 2013, pelikula natin ‘yung nagna-number one sa taon, kaya nakakatuwa.

Ang bait-bait ng Diyos sa akin. Kaya kung ganoon kami kalapit sa Panginoon, matatakot ka pa ba?” sey pa ni Vice. Last year, naka-P436 million ang movie nila ni Direk Wenn na “Girl, Boy, Bakla, Tomboy.” Syempre, mas mataas ang expectation ni Vice sa “The Amazing…” during Christmas time, “P600M ‘to, para kung ‘di matupad may P500M pa.

Wala namang mawawala sa akin kung iki-claim ko,” dasal pa niya. Super blessed si Vice sa kanyang career ngayong 2014, “Ang dami-dami ko talagang nakuhang awards ngayong taon.

E, noong nagsimula ako sa showbiz hindi naman talaga award ang gusto ko. Gusto ko lang mag-enjoy at kumita ng malaki para yumaman ang pamilya ko. ‘Yung award, hindi talaga ‘yun ang aim ko.

Pero this year, ang dami kong awards. Parang kapag may awards tsu-tsu, laging quota ako sa akyat ng stage. Ang pinakamababa kong akyat, e, dalawa, tatlo, ‘yung ganoon, kaya nakakatuwa,” ngiti niya.

Kaya kung may mga na-encounter naman siya na mga problema sa kanyang personal life, e, maning-mani lang daw para sa kanya.

May itinatagong comedic traits din pala si Richard Yap o mas kilala bilang si Sir Chief sa katatapos lang na Be Careful With My Heart. Ni-reveal ni Richard ang pagiging alaskador niya sa kanyang kauna-unahang full-length movie na “The Amazing Praybeyt Benjamin”.

“I learn a lot from doing teleseryes before. Kasi noong pumasok ako baguhan lang ako, so, new experience. Marami rin akong natutunan sa mga nuances, how to act, kung paano magbitaw ng lines.

I guess, on the job training ko rin and it’s a continues process so, you can’t stop learning. So, etong ‘The Amazing Praybeyt Benjamin’ is another learning experience for me,” pahayag niya.

Kung may nararamdaman na something si Vice kay Tom Rodriguez at ipinadama naman niya sa fight scene nila, kabaligtaran naman si Richard, “Ah wala, wala naman ako’ng naramdaman na may pagnanasa si Vice sa akin,” kasunod ang malakas na tawa ni Richard.

Siguro naman, knows na ng lahat na ang gaganap na misis ni Richard sa “TAPB” ay walang iba kundi si Kris Aquino. Kasama rin sa filmfest entry ng Viva Films at Star Cinema ang bunsong anak ng Queen of all Media na si Bimby Aquino Yap.

Read more...