LUMABAS ang dating bangis ng pitcher na si Jon Jon Robles habang kumana ng mahalagang homerun si Ernesto Binarao para tulungan ang Air Force sa 7-3 panalo sa Philab at kilalaning kampeon sa 2nd PSC Chairman’s Cup Baseball Classic na natapos kahapon sa Rizal Memorial Baseball Field sa Malate, Maynila.
Si Robles ay pumasok sa second inning at hindi na niya pinahintulutan ang dating kampeon na Philab na madagdagan pa ang tatlong runs na kinana sa unang dalawang innings.
Apat na hits at isang run bukod sa anim na strikeouts ang ibinigay ni Robles upang kilalanin din bilang Finals MVP.
Si Binarao ay bumanat ng homerun sa left field nang gumitna ang pukol ni Joseph Orillana para ipasok din sina Rizel Santos at Junifer Pinero at katampukan ang limang runs at limang hits na ginawa ng Airmen sa ikatlong yugto tungo sa 5-3 kalamangan.
Nangapa ang dating matikas na manlalaro ng Philab dahil bukod sa sumama ang kanilang pitching, minalas din ang mga batters na natatapat sa depensa ng Airmen ang mga malalayong patama sa kabuuan ng laro.
Si Orillana ang siyang lumabas na losing pitcher matapos mapasukan ng limang runs at inako ang walo sa 11 hits na ginawa ng Air Force sa nine-inning game.