Mga Laro Bukas
(Cuneta Astrodome)
2 p.m. Purefoods vs Barako Bull
4:15 p.m. Blackwater vs San Miguel Beer
7 p.m. Globalport vs Meralco
Team Standings: Rain or Shine (9-2); San Miguel Beer (8-2); Alaska Milk (8-3); Talk ‘N Text (8-3); Barangay Ginebra (6-5); Globalport (5-5); Meralco (5-5); Purefoods Star (5-5); Barako Bull
(4-6); NLEX (4-7); Kia (1-10); Blackwater (0-10)
MAAGANG arangkada sa simula ng laro ang ginawa ng Rain or Shine bago tuluyang pigilan ang huling ratsada ng Barangay Ginebra San Miguel sa huling yugto para itala ang 100-90 pagwawagi sa kanilang 2014-15 PBA Philippine Cup elimination round game kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Bunga ng panalo, umangat ang Elasto Painters sa 9-2 karta para makuha ang solo liderato at mahablot ang isa sa dalawang awtomatikong silya sa semifinals na nakalaan para sa dalawang mangungunang koponan matapos ang elims.
Umarangkada agad ang Rain or Shine sa pamamagitan ng 18-9 ratsada at nagawang palawigin ito sa 23 puntos na kalamangan, 80-57.
Nagawa namang tapyasin ng Barangay Ginebra ang kalamangan sa walong puntos ng tatlong beses na ang huli ay sa 88-80 subalit hindi naman bumigay ang Elasto Painters matapos na mag-init ang mga kamay ni Beau Belga para mapigilan ang ratsada ng Gin Kings.
Si Belga ay umiskor ng 21 puntos para pangunahan ang Rain or Shine habang si Paul Lee ay nag-ambag ng 18 puntos.
Sina LA Tenorio, Greg Slaughter at Japeth Aguilar ay pare-parehong kumana ng 14 puntos para pamunuan ang Barangay Ginebra na nahulog sa 6-5 karta.
Pinutol naman ng NLEX Road Warriors ang three-game losing streak matapos gibain ang Kia Sorento, 88-80.
Si Paul Asi Taulava ay nagtala ng 19 puntos at 14 rebounds para pamunuan ang Road Warriors.