SAMPUNG dayuhan ang makikipagsukatan sa mga local chess players para sa kampeonato ng Philippine International Chess Championship na magbubukas ngayon sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City.
Ang mga Russian GMs na sina Ivan Popov (Elo 2622) at Anton Demcenko (Elo 2596) ang mga top two seeds sa kompetisyong magtatagal hanggang Disyembre 12 at sinahugan ng $30,000 premyo na kung saan $5,000 premyo ang mapapasakamay ng tatanghaling kampeon.
Ang iba pang dayuhang GMs na nasa bansa na ay sina GM Levan Pantsulaia (Elo 2583) at GM Merab Gagunashvili (Elo 2569) ng Georgia, GM Avetik Grigoryan (Elo 2580) ng Armenia at GM Mikhail Mozhorov ng Russia.
Ibabandera ang kampanya ng host country nina GM Oliver Barbosa (Elo 2533), John Paul Gomez (Elo 2510), Rogelio Antonio Jr. (Elo 2503), Darwin Laylo (Elo 2500), Mark Paragua (Elo 2484) at ang beteranong si Eugene Torre (Elo 2448).
Kasali rin ang mga Women’s International Masters tulad nina Janelle Mae Frayna, Jan Jodilyn Fronda at Mikee Suede na siyang nagkampeon sa 2014 Asian Juniors girls division na ginawa sa Tagaytay upang maging kauna-unahang Pinay na nakagawa nito.
Si Senador Aquilino Pimentel III, na dating board 1 player ng Ateneo, ang siyang panauhing pandangal sa opening ceremony na magsisimula sa ganap na alas-2 ng hapon.
Siya ay sasamahan nina PSC chairman Ricardo Garcia, POC president Jose Cojuangco Jr. at mga opisyales ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) sa pangunguna ng pangulong si Prospero Pichay Jr., secretary-general Rep. Abraham Tolentino, Neri Colmenares na VP ng Visayas at Atty. Ruel Canobas, VP ng Luzon.