Alaska diniskaril ng Rain or Shine

alaska

Mga Laro Bukas
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Kia vs NLEX
5:15 p.m. Brgy. Ginebra vs Rain or Shine

DINISKARIL ng Rain or Shine ang hangarin ng Alaska Milk na tuluyang makapasok sa semifinals matapos na maitakas ng Elasto Painters ang 98-95 pagwawagi laban sa Aces sa kanilang 2014-15 PBA Philippine Cup game kahapon sa Araneta Coliseum sa Quezon City.

Kinamada ni Jericho Cruz ang huling apat na puntos ng Rain or Shine sa huling 18.5 segundo ng laro para mauwi ng Elasto Painters (8-2) ang mahalagang panalo na nagpalakas sa tsansa nilang makubra ang isa sa dalawang awtomatikong semifinals slot na mapupunta sa top two teams matapos ang elimination round.

Ang rookie na si Cruz, na nagtapos na may 16 puntos at limang rebounds, ay nakaiskor ng followup shot matapos ang split free throw ni Jeff Chan para ibigay sa Rain or Shine ang isang puntos na kalamangan, 96-95, may 18.5 segundo ang natitira sa laban.

Matapos sumablay si Eric Menk sa kanyang tira muling nakapuntos si Cruz sa isang layup para ipagkaloob sa Elasto Painters ang 98-95 abante may 0.7 segundo ang nalalabi sa laro.

Hindi naman pumasok ang pantablang tres ni Jvee Casio sa pagtunog ng buzzer para maitala ng Rain or Shine ang ikaanim na sunod na pagwawagi.

Read more...