HANGGA’T maaari, mas gusto ni Jennylyn Mercado na ang susunod niyang magiging boyfriend ay non-showbiz, at ipinagdarasal niya na ito na rin sana ang lalaking makakasama niya nang pangmatagalan.
Ayon sa Kapuso actress, hindi naman niya isinasara ang puso niya sa mga lalaking taga-showbiz pero aniya, “Sana, as much as possible, non-showbiz. Pero ayoko rin magsalita ng tapos. Ayoko rin magsarado ng pinto. Tingnan natin. Doon din naman ako dadalhin ni God kung saan ang tama.”
Sa presscon ng entry nila ni Derek Ramsay sa 2014 Metro Manila Film Festival, ang “English Only Please”, natanong si Jen kung bakit single pa rin siya hanggang ngayon, aniya, “Okey lang din naman, hindi pa rin naman kasi ako handa!”
Kasabay nito, inamin naman niyang nakikipag-date rin siya paminsan-minsan, pero hanggang du’n lang daw muna, “Sa ngayon, talagang ini-enjoy ko ang pagiging single ko, pagdi-date.”
Speaking of Derek Ramsay, marami ang nagsasabi, base sa trailer ng kanilang MMFF movie na “English Only Please”, maganda ang chemistry nila ng aktor, kaya ang tanong posible kayang maging sila in the future? “Hindi ko pa alam, hindi ko pa alam, tingnan natin. Kapag dumating yung point na ‘yan, sasabihin ko sa inyo.”
Ano ba ang mga na-discover niya sa personality ni Derek pagkatapos nilang gawin ang kanilang pelikula? “Naku, marami!
Katulad nga ng sabi ko, hindi ko in-expect na ganu’n siya ka-open, masayang kasama, very professional, sobrang bait.”
Nilinaw muli ni Jennylyn ang chikang nagkabalikan na sila ng ex-boyfriend niyang si Dennis Trillo, ayaw lang daw nilang aminin ito sa ngayon dahil may kani-kanya silang project na ginagawa with different partners. Ito rin daw ang isa sa rason kung bakit pumayag siyang makipag-duet kay Dennis para sa kanyang latest album.
“Hindi naman ibig sabihin na nagkaroon kami ng duet, yun na yun. Ano naman, magkaibigan na kami bago pa kami magkaroon ng duet. Medyo matagal na rin naman kasi kami na nagkasama and, after nu’n, nagkaroon kami ng closure, naayos naman namin.
“Naging magkaibigan naman kami. Nagkikita kami sa SAS Sunday All Stars. Wala naman sigurong masama na maging magkaibigan kami,” aniya pa.
Hindi na ba talaga sila pwedeng magkabalikan ni Dennis, hanggang friends na lang ba? “Opo,” natatawang sagot ng aktres. Dugtong nito, “Well, sabi ko nga, wala akong isinasaradong pinto. Hindi natin masasabi kung ano pa ang puwedeng mangyari sa future.”
As in wala na ba talaga siyang feelings para kay Dennis kahit na kaunti? “Ayoko munang pag-usapan kasi hindi pa rin naman ako handa. Wala namang…wala pa.”