LUIS ayaw patawarin ang mga nangholdap sa kanyang driver

Kahit nagmakaawa at humingi na ng sorry

Walang balak si Luis Manzano na iurong ang mga kasong isinampa nila laban sa mga suspek sa panghoholdap at pananaksak sa kanyang driver na nagtatrabaho sa kanyang taxi business.

Ayon kay Luis, hindi nila tatanggapin ang pagmamakaawa ng mga ito na sila’y patawarin na lang.

Sabi ni Luis, gusto niyang ipakita sa kanyang mga taxi driver at sa iba pa nilang empleyado sa kanyang kompanya na kaya niyang protektahan ang mga ito at kasama siya sa pakikipaglaban sa pagkuha ng hustisya.

Gusto raw ng TV host-actor na mabigyan ng leksiyon ang mga taong gumagawa ng masama, lalo na du’n sa mga walang kalaban-laban tulad ng mga taxi driver.

Ipinaliwanag pa ni Luis na kung patatawarin na lang nila basta-basta ang mga suspek (na sinasabing magkasintahan daw) baka maulit pa ang nangyari sa kanyang taxi driver at baka siya pa raw ang masisi ng mga susunod na magiging biktima ng mga ito dahil nga hindi na nila itinuloy ang kaso.

Read more...