Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Barangay Ginebra vs Globalport
5:15 p.m. Purefoods Star vs Rain or Shine
Team Standings: Alaska Milk (8-1); San Miguel Beer (8-1); Rain or Shine (6-2); Talk ‘N Text (6-3); Barangay Ginebra (5-3); Purefoods Star (5-3); Globalport (4-5); Meralco (4-5); Barako Bull (3-6); NLEX (3-6); Kia (1-8); Blackwater (0-10)
SASARIWAIN ng defending champion Purefoods Star at Rain or Shine ang kanilang rivalry sa kanilang pagtutuos sa 2014-15 PBA Philippine Cup mamayang alas-5:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sa unang laro sa ganap na alas-3 ng hapon ay magpupugay bilang interim head coach ng Globalport si Erick Gonzales sa sagupaan nila ng crowd-favorite Barangay Ginebra.
Ang Purefoods at Rain or Shine ay kapwa may four-game winning streaks. Sa nakaraang season ay nagharap sila sa Finals nang dalawang beses kung saan namayani ang Purefoods (noon ay kilala bilang San Mig Coffee) upang makumpleto ang Grand slam.
Malaki ang nakataya para sa Elasto Painters na ngayon ay nagsosolo sa ikatlong puwesto sa kartang 6-2 sa likod ng nangungunang Alaska Milk at San Miguel Beer na kapwa may 8-1 kartada.
Kung mawawalis nila ang kanilang natitirang laro ay didiretso sila sa semifinal round. Makakalaban pa nila ang Alaska Milk sa Disyembre 5 at Barangay Ginebra sa Disyembre 7.
Ang Purefoods at Barangay Ginebra ay tabla sa 5-3 at mayroon pang tsansang dumiretso sa semis kung masu-sweep nila ang kanilang nalalabing laro.
Makakalaban pa ng Hotshots ang Talk ‘N Text sa Disyembre 3 at Barako Bull sa Disyembre 6 sa Dipolog City. Bago naman makatunggali ang Rain or Shine ay makakaharap ng Gin Kings ang Alaska Milk sa Martes.
Samantala, pinatumba ng Talk ‘N Text Tropang Texters ang Blackwater Elite, 90-80, sa kanilang PBA game kahapon sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Si Jason Castro ay nagtala ng 21 puntos para pamunuan ang Talk ‘N Text.