Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. NLEX vs Alaska Milk
7 p.m. San Miguel Beer vs Meralco
Team Standings: Alaska Milk (7-1); San Miguel Beer (7-1); Rain or Shine (6-2); Barangay Ginebra (5-3); Purefoods Star (5-3); Talk ‘N Text (5-3); Meralco (4-4); Globalport (4-5); NLEX (3-5); Barako Bull (3-6); Kia (1-8); Blackwater (0-9)
PANANATILIIN ng Alaska Milk at San Miguel Beer ang kanilang kapit sa itaas ng standings sa pakikipagtuos nila sa magkahiwalay na kalaban sa 2014-15 PBA Philippine Cup mamaya sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Makakaharap ng Aces ang NLEX sa ganap na alas-4:15 ng hapon samantalang makakasagupa ng Beermen ang Meralco sa alas-7 ng gabi na main game.
Ang Alaska Milk at San Miguel Beer ay kapwa may 7-1 karta at naghahangad na mapanatili ang kanilang agwat sa mga naghahabol upang makadiretso sa semis sa pagtatapos ng elims.
Ang Meralco (4-4) at NLEX (3-5) ay naghahangad na makaangat sa standings pang makakuha ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Ang San Miguel Beer ay may four-game winning matapos na matalo sa Alaska Milk, 66-63 noong Nobyembre 5.
Sa pangunguna ng reigning Most Valuable Player na si June Mar Fajardo, ang San Miguel Beer ay nagwagi kontra NLEX (79-76), Barangay Ginebra (79-77), Kia Sorento (90-74) at Globalport (95-69).
Katuwang ni Fajardo sina Arwind Santos, Chris Lutz, Chris Ross, Sol Mercado at rookie Ronald Pascual. Hindi pa rin siguradong makapaglalaro si Marcio Lassiter.
Ang Meralco ay galing sa 77-74 kabiguan sa defending champion Purefoods Star. Bago iyon ay dinaig nila ang Barangay Ginebra, 109-99.
Ang Meralco ay pinamumunuan nina Gary David at Jared Dillinger na sinusuportahan nina Cliff Hodge, Reynell Hugnatan at Mike Cortez.
Ang Aces ay nagwagi sa kanilang unang anim na laro bago napayuko ng Barako Bull, 85-78. Nakabawi sila nang talunin nila ang Globalport, 87-84, sa Cagayan de Oro City noong Sabado.
Ang Alaska Milk ay humuhugot ng lakas kina Calvin Abueva, JVee Casio, Sonny Thoss, Cyrus Baguio at Chris Banchero.
Ang NLEX ay galing sa masaklap na 97-95 pagkatalo sa Rain or Shine sa huling laro kung saan tumukod ang Road Warriors matapos lumamang ng anim na puntos sa huling dalawang minuto.