HINDI ginagarantiyahan ni Bob Arum ng Top Rank na maisasara ang usapin sa hangarin ng lahat na mega fight sa pagitan nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. sa 2015.
May mga kausap si Arum na aniya ay mga seryosong tao na nais na makitang matuloy ang laban.
“I don’t know whether it will happen or it won’t happen, but I’m dealing with serious people,” pahayag ni Arum sa Hustleboss.com.
Kung siya ang masusunod, sa unang anim na buwan ng papasok na taon isasagawa ang bakbakan pero lahat ng ito ay nasa plano pa lamang lalo pa’t walang malinaw na tugon ang walang talong si Mayweather sa huling hamon na ipinukol ni Pacman.
Galing ang WBO welterweight champion mula sa kahanga-hangang lopsided unanimous decision kontra sa mas malaking si Chris Algieri na anim na beses na humalik ng lona sa 12-round na tagisan.
“That’s the fight I want and that’s the fight that should happen for the fans,” wika ng Kongresista ng Sarangani Province.
Ilang taon na rin na pinag-uusapan ang pagkikita ng dalawang hinahangaan ng lahat sa mundo ng boxing pero hindi maisara-sara ang usapan para matuloy ito.
“If it happens that will be great. But can I assure everyone it is going to happen? Of course not,” simpleng tugon ng beteranong boxing promoter.