Hapee nasungkit ang ika-5 sunod na panalo

Mga Laro sa Lunes
(JCSGO Gym)
12 n.n. Jumbo Plastic vs Racal Motors
2 p.m. Bread Story-LPU vs AMA University
4 p.m. Cebuana Lhuillier vs MJM Builders
Team Standings: Hapee (5-0); Cagayan Valley (4- 0); Jumbo Plastic (4-1); Café France (4-1); Wangs Basketball (2-2); Cebuana Lhuillier (2-3); AMA (2-3); Bread Story (2-3); Tanduay Light (1-4); Racal Motors (1-4); MP Hotel (1-4); MJM Builders (1-4)

NAGTULUNGAN sina Bobby Ray Parks Jr. at Garvo Lanete para ibigay sa Hapee ang 72-66 panalo sa Cebuana Lhuilllier Gems sa 2014-15 PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa TIP Gym sa P. Casal st., Maynila.

Ito ang ikalimang sunod na panalo ng Fresh Fighters at nakuha nila ito kahit walo lamang ang ginamit na manlalaro ni coach Ronnie Magsanoc.

Hindi nakasama ng koponan ang mga kamador ng NCAA champion San Beda tulad nina Ola Adeogun, Baser Amer at Arthur dela Cruz dahil ang tinulungan ng mga ito ay ang kanilang collegiate team sa PCCL finals.

“Ipinagmalalaki ko sila dahil bago ang laro ay sinabi nilang lalaban sila nang husto para makuha ang panalong ito,” wika ni Ronnie Magsanoc.

Si Parks ang nanguna sa koponan sa kanyang 23 puntos at siyang nagpasiklab sa kaagahan ng labanan para makaagwat agad sa Gems.

Sa puntong bumabangon ang Gems ay si Lanete ang siyang kumana at tampok  niyang buslo ay ang dalawang free throws na nagsantabi sa huling pagdikit ng katunggali sa 66-68.

May 12 puntos si Lanete habang ang anim na iba pang kakampi ay naghatid din ng puntos.

Balanseng pag-atake naman ang ginawa ng Café France Bakers para ibagsak ang Tanduay Light Rhum Masters, 69-59, sa ikalawang laro.

Sina Jam Cortez, Joseph Sedurifa, Maverick Ahanmisi, Rodrigue Ebondo at Bong Galanza ay nagtambal sa 50 puntos para maisantabi ang paglasap ng unang kabiguan ng Bakers sa huling laro tungo sa 4-1 baraha.

Ang Rhum Masters, na sumandal sa 17 puntos ni Roi Sumang, ay natalo sa ikaapat na pagkakataon matapos magwagi sa unang asignatura.

Read more...