Giyerang Annabelle-Amalia baka mauwi sa demandahan

MUKHANG sa demandahan na rin mauuwi ang bangayang namamagitan sa dating magkaibigan na sina Annabelle Rama at Amalia Fuentes.

Nagsimula ang kanilang pagpapalitan ng maaanghang na salita sa Twitter nang magtungo si tita Annabelle sa burol ng asawa ni Miss Amalia.

Ayon kay tita Annabelle, nagpunta siya sa burol ng ex-husband ng dating kaibigan na si Joey Stevens sa Santuario de San Antonio, Forbes Park sa Makati kamakailan hindi para makipag-away kundi ang makiramay dahil kaibigan din naman daw niya ang namatay.

Hindi naman daw akalain ng talent manager na nandu’n na si Miss Amalia sa burol.

Ipinagtabuyan daw ng dating aktres si tita Annabelle dahil bukod sa hindi naman daw ito imbitado sa burol ay nakasuot pa raw ito ng pulang blouse, pulang pantalon, may dalang pulang bag at naka-pulang lipstick pa.

Depensa naman ni tita Annabelle, orange raw ang suot niyang damit, itim na pantalon at hindi raw pula.

Ipinakita pa niya ang kanyang damit sa pamamagitan ng litrato na naka-post sa kanyang Twitter account.

Ayon pa sa kanya, nagsimula raw ang away nila ni Miss Amalia nang hindi niya raw sinabi rito ang tungkol sa mga anak ng kanyang dating mister sa ibang babae.

Sa huling pahayag ni Amalia Fuentes, sinabi nga nitong pagtutuunan niya ng atensiyon ang gusot nila ni tita Annabelle pagkatapos ng Holy Week.

Kasabay nito, dinenay niyang hindi sa kanya ang Twitter account na sumasagot sa tweet ni tita Annabelle.

Ang sagot naman ng huli, hindi siya natatakot sa pagbabanta ng dating kaibigan.

Marami naman ang nagpapalagay na kapag hindi naagapan agad ang hindi nila pagkakaunawaan ay baka sa demandahan din ang kanilang tuloy.

Naku, huwag naman sana. Magkaayos na sana sila. Let’s pray!

Read more...