SEMANA Santa na, at gaya ng maraming Pinoy, marami ring motorcycle rider ang nagpaplanong umuwi ng probinsiya.
Ang kaibahan nga lang, marami sa kanila ang uuwi ng lalawigan ay hindi makikipagsabayan sa dami ng mga sasakay sa bus kundi ang kanilang motor.
Isa ka ba na bibiyahe nang malayo? Alam mo na ba ang dapat gawin bago sumabak sa malayuang biyehe?
Naririto ang ilang tips na maaaring makatulong sa inyong malayuang biyahe:
Ayon sa suki ng BANDERA na motorcycle mechanic na si Larry Pajarillo ng RB Motor Shop and Accessories sa Caloocan City, bago bumiyahe dapat ay nakasisiguro ka sa kondisyon ng iyong motor.
Dapat alam mo rin kung tama ang dami at kondisyon ng iyong motor oil. Huwag pakasisiguro sa iyong gulong.
Tingnang mabuti ang kondisyon ng gulong at alamin sa manual ng inyong motor ang tamang karga ng hangin sa gulong.
Mainam din na magdala ng extra na spark plug.
I-check ang ayos at dami ng tubig at siguraduhin din na may dalang gamit lalo na sa pagtanggal ng spark plug.
Huwag kalimutan ang perdible o matulis na bagay na panglinis sa natingang spark plug.
Magdala rin ng extra na interior ng gulong dahil mahirap na ma-flatan ng gulong sa malayuang biyahe.
Siyempre ekstrang pera ay kailangan din para kung magkaaberya at kailangan ng mekaniko ay may pambayad.
Isa ring suki ng BANDERA na si Edwin Baron at Aries Lacunay ng Renz Accessories, sa Pasig City, kailangan na mai-change oil at mai-tune up ang makina ng mtorsiklong gagamitin sa mahabang biyahe.
Maging ang break pad, break shoe ay dapat ding i-check. Kung kailangan palitan ay palitan bago pa bumiyahe.
Bukod sa gulong, i-check din ang sprocket, mga ilaw at mga side mirror.
“Huwag nilang kakalimutan na magdala ng tools, dahil importante ‘yun kung may dala ka ngang mga interior, langis, at iba pa pero walang tools eh balewala lang.
Kaya importante ang tools lalo na kung malayuang biyahe,” ayon kay Baron.
Kung nai-check na at napalitan na ang dapat palitan sa motorsiklong gagamitin sa pagbyahe ay ang sarili naman ang ihanda at magdala ng mga protector gear para sa katawan at higit sa lahat huwag kalimutang magdasal bago bumiyahe.