NAGBANTA na si Jejomar Binay na pananagutin niya sa batas ang mga nagsabi, nagpahayag at nagsulat na siya’y magnanakaw, base sa akusasyon ng iniwan ng asawa, hindi magkaanak at daldakina. Hindi nga nila kilala si Binay.
Naitala sa Dekada ’70 ang sunud-sunod na libelo na isinampa ni Binay sa Makati Regional Trial Court sa mga mamamahayag at isang talunang politiko. Nahirapan ang mga ito at may halos lumuhod para makipag-areglo at ang isa nama’y napatunayang nagkasala, di lamang ng RTC kundi ng mataas na hukuman, nang iapela ang kaso sa pag-asang maaabsuwelto.
Ayon sa isang matandang tinali, na residente ng A. Bonifacio st., Barangay Poblacion, isang grupo sa “bahay” ni Binay ang nakakalap na ng sapat na clippings, audio recording at TV recording hinggil sa kanilang pagtawag kay Binay na magnanakaw. Pangunahin sa mga ito ang tatlong brodkaster ng isang network, na ngangalandakan pa na patas sila sa pamamahayag.
Napakalupit ng bagong batas sa libelo. Hindi ito tau-tao at saklaw pati ang mga walang kinalaman sa ipinahayag, kung ang pagbabasehan ay ang kriminal na aspeto ng asunto.
Sa bagong batas, hindi na ang malisya ang sandigan, kundi ang iresponsableng pamamahayag. Iresponsable na tuwirang tawaging magnanakaw ang idinadawit sa umano’y pagnanakaw. Lagot kayo.
Dapat ay magalit ang taumbayan sa pinasusuweldo niyang OIC sa Department of Health, na Garin ang apelyido, na hindi naman sikat at popular. Pero ngayon ay sikat na siya nang ilaglag siya ni AFP chief Gen. Napa Catapang.
Ang sabi ni Catapang ay isinama lang siya ni Garin sa Isla Caballo (ang tawag ng mga taga-Ternate, Cavite) nang lumitaw na nilabag ni Garin (taga-Iloilo na naman!?) ang quarantine protocol. Kawawa naman si Catapang.
Talagang kawawa ang maraming tapat, matatalino at malilinis na opisyal sa mga amo na itinalaga ng Ikalawang Aquino (uy, madalang na ang sisi, sisi, sisi niya) sa iba’t ibang ahensiya ng dilaw na gobyerno. Sunud-sunuran sila sa mali-maling isipan.
Talagang boss nga ni Oscar Malapitan si Jejomar Binay. Mantakin na nagbahay-bahay ang mga kawani ni Malapitan para alamin ang mga senior citizen na nag-birthday ngayong Nobyembre!
Kay Binay, darating ang cake at regalo sa kompleanyo ng senior citizen. Hindi sa ipinangakong katapusan ng Nobyembre, tulad ng gagawin daw ni Malapitan.
Sa senior citizen, hindi puwede ang kasabihang, “Huli man daw at magaling, maihahabol din.” Ang senior citizen ay puwedeng mamatay ngayon, mamayang gabi sa kanyang pagtulog o bukas; hindi sa katapusan ng Nobyembre.
MULA sa bayan (0906-5709843): Hindi dapat naging aso nina Aquino at Roxas si Panfilo Lacson para kagatin ang pamilya Romualdez. Ako’y senior citizen na at wala akong naaalala na kaaway ni Lacson ang pamilya Romualdez. Dahil sa ginawa mo, Lacson, galit ang mga Waray sa iyo. Kay Aquino, hindi naman Romualdez ang utak ng pagpatay sa tatay mo. Alam mo iyan. …8711, Barangay San Jose, Tacloban City