Mga Laro Ngayon (Ynares Center)
4:15 p.m. NLEX vs Blackwater
7 p.m. Ginebra vs Meralco
Team Standings: Alaska Milk (6-1); San Miguel Beer (6-1); Barangay Ginebra (5-2); Rain or Shine (5-2); Globalport (4-3); Talk ‘N Text (4-3); Meralco (3-3); Purefoods Star (3-3); NLEX (2-4); Barako Bull (2-5); Kia Sorento (1-7); Blackwater (0-7)
MAGBABAWI sa mga pagkatalong sinapit ang Barangay Ginebra at Meralco sa kanilang pagkikita sa 2014-15 PBA Philippine Cup mamayang alas-7 ng gabi sa Ynares Center sa Antipolo City.
Sa unang laro sa ganap na alas-4:15 ng hapon, makakaharap ng NLEX ang nangungulelat na Blackwater Elite.
Napatid ang four-game winning streak ng Gin Kings nang sila ay maungusan ng sister team San Miguel Beer, 79-77, sa larong puwede sana nilang mapanalunan noong Linggo.
Nakabalik ang Barangay Ginebra sa 10 puntos na abante ng San Miguel Beer sa huling apat na minuto at muntik nang tumabla kung naipasok ni Japeth Aguilar ang isang slam dunk sa pasa ni Gregory Slaughter. Nagmintis si Aguilar at sinabing inilaliman daw siya ni Arwind Santos subalit walang tawag ang mga referees.
Bukod kina Aguilar at Slaughter, si coach Jeffrey Cariaso ay sasandig kina Mark Caguioa, LA Tenorio, Jayjay Helterbrand at Chris Ellis.
Ang Gin Kings ay nasa ikatlong puwesto at may 5-2 karta samantalang ang Bolts ay kasama ng defending champion Purefoods Star sa record na 3-3.