PINALAMIG ni Manny Pacquiao ang usapin patungkol sa posibleng pagkikita nila ni Floyd Mayweather Jr. kahit ito ang laban na gustong-gusto niya.
“Let us finish this fight first,” wika ni Pacquiao na ang tinutukoy ay ang laban kontra kay Chris Algieri sa Linggo sa Cotai Arena, The Venetian sa Macau, China.
Tiniyak naman ng Pambansang Kamao na kahit sino na gusto siyang labanan ay lalabanan niya pero ang mahalaga ngayon sa kanya ang makapagtala ng kumbinsidong panalo kontra sa walang talong challenger.
Nagkaharap sina Pacquiao at Algieri sa press conference noong Miyerkules ng gabi at tiniyak ng World Boxing Organization (WBO) welterweight champion na magiging maganda ang kalalabasan ng sagupaang handog ng Top Rank.
“I believe that it’s going to be an exciting fight, we did our best in training,” banggit ni Pacquiao.
Pero kasabay nito ay ang pagpapahaging na siya ang mananalo sa bakbakan na gagawin sa catchweight na 144 pounds dahil si Algieri, na kampeon sa WBO light welterweight, ay aakyat ng timbang.
“The speed, the power, the determination, the aggressiveness is back,” ginagarantiya ng Kongresista ng Sarangani Province.
Hindi rin tumugon ng mainit na pananalita si Algieri na nakuha ang karapatang sukatin si Pacquiao matapos ang pagbangon mula sa dalawang paghalik sa lona sa unang round tungo sa split decision panalo kay Ruslan Provodnikov ng Russia.
“The talking is done. The hard work is done. The training is done. I’m not gonna say too much. I prepared very well, I’m excited for this weekend,” simpleng sinabi ni Algieri.
Pareho mang nakitaan ng pagrespeto sa isa’t-isa, tiyak na hindi ganito ang mangyayari sa araw ng bakbakan dahil parehong puntirya nina Algieri at Pacquiao na manalo sa pamamagitan ng knockout.