PITONG double-doubles sa sindaming laro sa kasalukuyang PBA Philippine Cup.
Iyan ang record ni June Mar Fajardo, ang reigning MVP ng PBA.
Ang pinakahuli niyang naitala ay 36 puntos (na career-high) at 17 rebounds Miyerkules ng gabi nang tulungan niya ang San Miguel Beer na maidispatsa ang palabang Kia Sorento, 90-74. Sa fourth quarter na lamang nagkatalo ang dalawang koponan.
Maganda sana ang simula ng Beermen sa laro nang umarangkada kaagad ang tropa ni coach Leo Austria at lumamang, 12-2. Pero nakahabol ang Kia at nakapagposte pa ng limang puntos na abante. Angat lang ang Beermen sa Sorento ng one point sa halftime, 39-38.
Sa puntong iyon ay marami ang nangamba na baka mabiktima ng Sorento ang Beermen. Kasi, parang uso ang upsets ngayon.
Hindi ba’t na-upset ng Globalport ang pinapaborang Talk ‘N Text noong Martes ng gabi? At bago ang SMB-Kia match ay nabahiran ang malinis na record ng Alaska nang ito ay payukuin ng Barako Bull.
So, posibleng maka-upset ang Kia. Pero ayaw ni Fajardo na mangyari iyon.
Kung sa first half ng laro ay malamya ang kanyang mga numero (10 puntos, 4 rebounds), iba ang naging istorya sa second half. Minamani na niya ang kalaban!
Kung hindi nga siya inilabas ni Austria sa dulo ng laro, baka nakasaksi tayo ng 40-20 game.
Pero mission accomplished na si Fajardo at ayaw naman siyang sagarin ni Austria. Tutal nga naman daw ay marami pang laro kung saan mahihigitan niya ang kanyang ginawa.
Inamin ni Austria na si Fajardo talaga ang kanilang pinuntahan sa second half dahil wala namang panapat ang Kia sa kanilang higante. So, kahit na ano ay puwedeng gawin ni Fajardo. At ang tanging puwedeng gawin ng mga naatasang bumantay sa kanya ay tumanga o magbigay ng foul upang pigilan ang easy points sa shaded area.
Pero heto ang shocking. Aba’y tumira buhat sa three-point area sa kaliwang bahagi ng court si Fajardo at pumasok iyon.
Bale 1-of-2 siya sa 3-point area sa larong iyon para sa mataas na 50 percent.
Mas mataas overall ang kanyang field goal percentage dahil sa dalawang beses lang siya nagmintis sa 15 tira!
“Talaga namang tumitira sa three-point area si Fajardo kahit noong college siya,” ani Austria. “So, ine-encourage rin namin siya na paminsan-minsan ay gawin iyon dito sa PBA.”
Biruin mo iyon? Higanteng tumitira ng three-point shot. Kapag nawili si Fajardo sa pagtira ng triple at mataas ang kanyang percentage, paano pa siya mapipigilan ng magbabantay sa kanya?
Unstoppable na siya!
Sa takbo ng mga pangyayari, aba’y posibleng makadalawang sunod na MVP awards si Fajardo kung hindi magbabago ang kanyang mga numero.
Ilan kayang MVP awards ang mapapanalunan niya sa kanyang PBA career?