Balik karera sa METRO TURF

NAKATAKDANG  magbalik ang mga karera  sa Metro Turf ngayon Sabado at Linggo.

Isang ocular inspection ang isasagawa ngayon ng mga hinete at pamunuan ng Metro Turf, ang  ikatlo at pinaka-bagong  racing club sa bansa, para tingnan ang ginawang pagkumpuni sa race track nitong mga nakaraang araw.

Matatandaan na hindi naidaos ang dalawang araw na karera sa MMTCI noong isang linggo dahil sa pagtanggi ng mga hinete na sumakay  sa pangamba na sapitin ang nangyari kay LT Cuadra Jr. na nahulog sa  kabayo ilang segundo lang mula umpisa ng karera  at kinailangang operahan sa ulo.

Sa panayam kay  Philippine Racing Commission (Philracom) commissioner at executive director Jess Cantos, sinabi niyang kumilos ang Metro Turf sa pamamagitan ng paglatag ng mga binistay na buhangin sa ibabaw ng race track.

“Pinatungan ang track ng binistay na buhangin para maging kutson. Nasa tatlong dipa na ang naayos at pitong dipa na lang ang gagawin para makumpleto ito,” wika ni Cantos.

Nagkaroon na rin ng mga trangko sa pista at tiniyak na rin na  hindi na matigas ang pista. Ang matigas na pista ang nagpapabilis sa tiyempo ng mga kabayo sa karera at  naglalagay sa peligro sa mga hineteng nahuhulog sa kanilang mga sakay.

“The jockeys are on top of the situation. Kung ayos na sa lahat ang pista, isang pusisyon muna ang gagawin bago magsimula ang race one sa Sabado,” ani  Cantos.

Read more...