UNTI-UNTI nang nagiging kontrobersiyal ang bagong teleserye ng Dreamscape Entertainment na Bagito na pinagbibidahan nina Nash Aguas, Alexa Ilacad at Ella Cruz sa Primetime Bida ng ABS-CBN.
Medyo sensitibo nga kasi ang tema ng serye tungkol sa isang binatilyo (14 years old) na nakabuntis ng isang college student (ginagampanan ni Ella) matapos silang magsiping ng isang gabi.
Sa ilang araw pa lang na pag-ere ng Bagito ay marami na kaming natatanggap na komento mula sa mga magulang, lalo na yung may mga anak na sing-edad ni Nash sa kuwento.
Kaya hindi na rin kami nagtaka kung napakataas ng rating nito noong pilot episode pa lang. Kahapon naisulat namin ang pagiging kabado ni Nash sa pagsisimula ng kanilang teleserye dahil nga ito ang magsisilbing launching project niya sa ABS-CBN.
Kahit kami at iba pang miyembro ng entertainment press ay medyo naapektuhan sa ilang eksenang napanood namin noong magkaroon ng advanced screening ang programa.
Nakakatawa nga dahil habang pinapanood namin ang eksenang nakahiga sina Nash at Ella sa kuwarto kung saan may nangyari nga sa kanila, iisa ang tanong ng mga katoto, “Posible bang makabuntis ang hindi pa tuli?”
Kaagad naman kaming sinagot ng entertainment editor na si Ms. Gie Trillana ng, “Oo naman, wala namang kinalaman kung tuli ka na o hindi pa, as long as may sperm cell.”
Oo nga naman, ang dapat na tanong ay posible bang mabuntis ang babae ng hindi pa nagkakaroon ng menstruation?
Sa madaling salita, maski na 10 taon palang ang batang lalaki at nakatabi niya ang batang babae na nagkaroon na ng buwanang dalaw ay posible na silang makabuo ng baby.
Susme, bigla ko tuloy naalala ang anak kong si Patchot, bossing Ervin! (Ha-hahaha! Kaya nga lahat ng parents ngayon tutok na tutok na sa Bagito! Ha-hahaha! – Ed)
Anyway, natanong si Nash kung bakit niya tinanggap ang papel na batang ama, hindi kaya ito makaapekto sa kanya bilang binatilyo dahil maski na trabaho lang ito ay hindi pa rin mawawala sa isip niya na posibleng mangyari ito sa kanya sa tunay na buhay.
“Noong una po, nagulat po ako kasi 13, ‘di ba? Pero noong in-explain po nila sa akin, mayroon po silang ipinakita sa akin na 13 years old nagkaanak.
“Parang sa akin, 16 na naman ako, talaga pong nangyayari na ‘to sa totoong buhay. Alangan naman pong tanggihan ko, marami po kaming matutulungan kapag ginawa namin itong teleserye dahil marami pong magiging aware sa problem,” paliwanag niya.
At nang mapanood na raw nila ng ka-loveteam niyang si Alexa Ilacad ang trailer ng Bagito, “Noong una po, kinabahan po kami dahil sensitibo yung teleserye.
Pero noong pinalabas ‘yung trailer, nakita po namin yung mga tweets ng mga fans namin, ng mga taong sumusuporta. Parang ngayon, mas open-minded na po sila.
Alam naman po nila na ginawa itong teleserye para maging aware ang mga tao, hindi para i-encourage ang mga tao na gawin ‘yon,” ani Nash.
At least kung sakaling ma-experience nga ni Nash na magkagusto siya sa babaeng mas may edad sa kanya ay alam na niya kung paano ito i-handle.
Dagdag pa ni Nash, “Ang show ay hindi lang para sa mga bata, para rin ito sa mga magulang na dapat laging gagabayan ang mga anak, hindi porket binata na sila ay hindi na natin sila i-guide.”
Inamin naman ni Alexa Ilacad na talagang crush niya ang ka-loveteam na si Nash Aguas, pero nangako raw siya sa kanyang mga magulang na hindi siya magbo-boyfriend hanggang hindi siya nagde-debut.
Paliwanag ng dalagita na ngayo’y 14 years old pa lang, “Crush lang muna po. We’re open naman po sa parents namin, especially ako with my mom. Sabi ko nga sa kanya, ‘Ma, gusto ko po si Nash,’” pag-amin ni Alexa sa isang interview.
Para naman kay Alexa, napakaraming matututunan ng mga tulad nilang menor de edad sa Bagito, pati na rin ang mga parents na naguguluhan sa behavior ng kanilang mga anak ngayong nagbibinata at nagdadalaga na sila.
Kasama rin sa Bagito sina Agot Isidro, Ariel Rivera, Angel Aquino, Paolo Santiago, Alex Diaz, at ang mga miyembro ng Gimme 5 na sina Joaquin Reyes, John Bermundo, Grae Fernandez at Brace Arquia.