HINDI nangyayari ang adiskyon sa isang kisap-mata. Ito ay isang mahabang proseso kung saan ang ating katawan ay nasanay at nakukondisyon na hanap hanapin ang mga bagay na kinababaliwan.
Ganap na adik na ang isang tao kapag ang kanyang trabaho, pagiisip at mga relasyon ay tuluyang naapektuhan at napipinsala.
Nagsisimula ang adiksyon sa ating mga sarili.
Bilang mga tao, tayo ay patuloy na naghahanap ng mga bagay na masarap na puwede natin ipangtapat sa hirap na dinaranas natin sa araw araw.
Likas na makasarili ang tao, madalas ay iniisip natin na tayo ang diyos ng ating katawan; tayo ang may kontrol sa ating kapalaran.
Dahil sa ugaling ito, konting hirap lang ang dinarana, tumatakbo agad tayo sa kahit anong makapagpapagaan sa ating pakiramdam.
Nariyan ang alak, droga, yosi, sex, video games at pagkain ay tinuturing natin na mga agarang solusyon sa mga hirap na dinadanas.
Karaniwan, ang mga ito ang una nating tinatakbuhan at sa huli ay sinasamba. Ipinagpapalit natin ang Diyos sa bote ng gin, beer o anumang inuming nakalalasing; habang ang dasal ay nauuwi sa pagturok ng droga o pagsinghot ng shabu at ang ating kalusugan sa paghithit ng yosing kaha kaha.
Gaya nang nasabi natin, ang adiksyon ay nagsisimula sa sarili— ang pagbabago ay ganon din. Ang adiksyon ay hindi permanente, ito ay maaaring agapan at gawing daan para mahanap ang sarili at magsilbing inspirasyon sa marami.
Kailangan lamang ay naroroon ang determinasyon na tayo ay handa at taos sa ating puso ang naisin na magbago.
Kailangan din ay matuto tayong bumitaw sa mga bagay na di natin kayang hawakan, kailangan natin matutong magtiwala sa Diyos at panghugutan siya ng lakas.
Wala namang masama sa konting sarap sa buhay ngunit hindi natin ito dapat abusuhin at huwag natin itong sambahin.Kung ikaw ay nalulon na sa mga “substance” na hindi dapat mong ibinibigay sa iyong katawan, marahil ay mahihirapan kang intindihin ang mga sinasabi ko rito.
Nguni’t kung pag-bibigyan mo ng pagkakataon na mamulat ka sa katotohanan, ituloy mo ang pagbasa sa kolum na ito sa susunod nating labas sa Huwebes.