NAKATANGGAP tayo ng mensahe mula sa isang OFW sa pamamagitan ng Facebook account ng Bantay OCW. Narito ang kanyang liham:
“Ako po si Christian Guevarra, kasalukuyang nagtatrabaho bilang domestic helper dito sa Roma, Italia. Ako po ay nagpadala ng mensaheng ito upang humingi ng tulong.
Bagamat ako po ay nasa Italia na, hinangad ko pa ring lumipat sa ibang bansa kagaya ng Canada, dahil sa nais kong mas gumanda ang kita at magkaroon ng mas magandang buhay.
Dito po kasi sa Roma ay limitado o kaunti lamang ang trabahong pang-lalaki kaya napaka- hirap ang paghahanap- buhay. Sa akin pong paghahanap ng maaaring tumulong sa akin sa paglipat sa Canada ay nakilala ko si Nilima Kang.
Siya po ay Pinay na naka-base sa Calgary, Canada. Nakilala ko po siya sa pamamagitan ng isang kakilala na nasa Canada din. Nagka-usap po kami ni Nilima at nagkasundo na ihahanap niya ako ng employer kapalit ng halagang 5000 canadian dollars at siya na lahat bahala pati sa LMO (Labour Market Opinion) fee.
Siya na rin ang magpapasok ng working visa application online, kagaya rin daw po nang ginagawa niya sa mga hinahanapan niya ng employer from Taiwan and Middle East.
Sa amin pong pag uusap, sinabi nya na may employer na daw po ako at ang magiging trabaho ko ay kitchen helper. Kaya naman humingi po siya ng down payment na 2000 Canadian dollars para daw po iyon sa fee sa pag aapply ng LMO at pag a-advertise nung work.
Sa kagustuhan ko po na mapabilis ang aking paglipat ay nagtiwala po ako at nagpadala po ako sa kanya ng hinihingi niya at ipinadala ko sa Western Union.
Pagtapos po noon, sabi niya mga 2 to 3 months hihintayin namin sa paglabas ng LMO. Pero mga 2 months na po ang lumipas ay tinanong ko siya kung kumusta na ang LMO application, ang sabi po nya may problema, kasi naglabas ang Canadian government ng moratorium sa mga restaurant na gusto kumuha ng employee outside Canada.
Nag-cheak naman po ako at totoo naman kaya naghintay ako hanggang ma-lift ang moratorium. Pagkatapos po, nag usap ulit kami at sinabi niya na maraming binago sa mga requirements at sa mga fees.
Kailangan daw na-ming umulit ng pag-aapply ng LMO dahil nagtaas ang mga fees at dagdagan ko daw po yung down payment ng another 1000 CAD.
Muli po akong nagpadala pero sa pagkakataong ito hindi na kay Nilima Kang, kundi sa kaibigan niya na si Nerissa Sapunto.
Sabi ni Nilima mag-hintay muna para ma-release ang LMO ng mga 2 to 3 months ulit.
Pagkalipas po ng mahigit 2 months ay tinetxt at tinatawagan ko siya pero hindi na sumasagot si Nilima at inan-friend na ako sa FB niya.
Ano po kaya ang mga pwede kung gawin o ano po ang maipapayo po ninyo sa akin Mam. Inattached ko po ang mga larawan ni Nilima Kang para sa kanyang pagkakakilanlan at lahat po ng mga ibinayad ko sa kanila ay hawak ko ang mga resibo. Salamat po at sana matulungan po ninyo ako..God bless po”.
Nakalulungkot makatanggap ng ganitong mga klase ng mensahe mula sa isang OFW na nasa Italya na sana, ngunit nabiktima pa rin ng isang Pilipino na nasa Canada.
Hangad lamang ni Christian na mas magandang buhay, dagdag na kita pa, kaya nag-interes siyang makalipat sana ng Canada.
Pati litrato ni Nilima Kang ipinadala niya sa Bantay OCW. Maliit na ngayon ang mundo.
Panawagan natin kay Nilima isauli niya ang lahat ng ibinigay sa kanya ni Christian dahil wala nang pagtataguan ngayon ang tao. Iyan ang benepisyo ng modern technology.
Gagawin din ng Bantay OCW ang iba pang mga pamamaraan upang matulungan si Christian.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon. Mag email sa bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0927.649.9870