Nash bilang batang ama sa Bagito: Nangyayari naman po talaga ang ganito sa tunay na buhay!

nash aguas
NAGKAKAISA ang members ng entertainment press sa pagsasabing isa na nga si Nash Aguas sa pwedeng pumalit sa trono nina John Lloyd Cruz, Piolo Pascual, Coco Martin at Jericho Rosales sa ABS-CBN.

Ito’y matapos nga ang special screening ng launching teleserye nila ni Alexa Ilacad na Bagito na nagsimula na kagabi sa Primetime Bida bago mag-TV Patrol.

Napanood namin ang pilot week nito at tama nga ang sinabi ng mga taga-Dreamscape Entertainment TV na perfect na perfect kay Nash ang role bilang isang 14 year old high school student na nakabuntis ng isang babaeng mas matanda sa kanya na gagampanan naman ni Ella Cruz.

Ayon kay Nash, hanggang ngayon daw ay hindi pa rin siya makapaniwala na bida na siya sa isang napakalaking teleserye at abot-langit ang pasasalamat niya sa lahat ng reporters na pumuri sa akting niya sa Bagito, na pilot week pa lang ay lutang na lutang na ang kanyang performance.

“Sa tagal ko na pong artista sa ABS-CBN, ngayon ko lang po naranasan maging bida, ang tagal ko pong hinintay at sobrang kaba ko po. Bata pa lang po ako, gusto ko na ‘yon.

“Akala ko sobrang dali lang, pero now na-realize ko na sobrang dami palang responsibilities na ibinibigay. Sobrang pressured po ako, pero natutuwa naman po ako na nagustuhan ninyo,” sey pa ni Nash.

Inamin ni Nash na napakalaking challenge ang ibinigay na role sa kanya sa Bagito, “Noong una po, nagulat po ako kasi 13, ‘di ba? Pero noong in-explain po nila sa akin, mayroon po silang ipinakita sa akin na 13 years old nagkaanak.

“Parang sa akin, 16 na naman ako, talaga pong nangyayari na ‘to sa totoong buhay. Alangan naman pong tanggihan ko, marami po kaming matutulungan kapag ginawa namin itong teleserye dahil marami pong magiging aware sa problem,” paliwanag pa ng binatilyo.

Medyo sensitibo ang tema ng Bagito, kaya ayon kay Nash talagang inatake siya ng nerbiyos noong magsimula ng taping, “Noong una po, kinabahan po kami dahil sensitibo yung teleserye. Pero noong pinalabas yung trailer, nakita po namin yung mga tweets ng mga fans namin, ng mga taong sumusuporta.

“Hindi na po sila yung tao noon sinaunang panahon. Parang ngayon, mas open-minded na po sila. Alam naman po nila na ginawa itong teleserye para maging aware ang mga tao, hindi para i-encourage ang mga tao na gawin ‘yon,” dagdag ng bagets actor.

Malaki rin daw ang tiwala nina Nash at Alexa sa production ng Bagito na mae-explain nang nabuti ang sensitibo at kontrobersiyal na tema na kanilang serye kaya hindi sila masyadong nag-aalala sa magiging reaksiyon ng mga manonood, lalo na ng mga magulang, “Mayroon po silang research na ginawa talaga na nangyayari na ito sa totoong buhay.

Hindi po malayong maka-relate sila sa totoong buhay.”

Read more...