Karera sa Metro Turf ipinalipat sa MJCI

karera

NALALAGAY sa alanganin ang pagsasagawa pa ng karera sa ikatlong race track sa bansa na Metro Turf sa Malvar, Batangas.
Ito ay matapos ipag-utos ng Philippine Racing Commission (Philracom) na ilipat ang karerang dapat gagawin sa Metro Turf sa Nobyembre 11 at 12 tungo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

May panibagong liham ang mga hinete na nagsasaad ng hindi pagsakay sa mga kabayo sakaling ituloy ang dalawang araw na karera sa Metro Turf.

Nasa 80 hinete ang nagpadala ng  liham sa tanggapan ng Philracom dahilan upang kumilos din agad ang komisyon.“Fear sa track because of immediate past serious accidents and aggravated by recent condition of jockey LT Cuadra Jr.,” pahayag ni Philracom commissioner at executive director Jess Cantos na dahilan kung bakit ayaw sumakay ang mga hinete sa Metro Turf.

Noong nakaraang Huwebes ay nakansela ang programa sa Metro Turf nang walang hinete ang sumakay sa kanilang mga kabayo dahil sa pangamba sa kanilang kaligtasan.

Inirereklamo kasi ng mga hinete ang matigas na pista dahilan upang dumanas ng malaking pinsala ang mga hineteng nahuhulog sa kanilang mga kabayo.

Si Cuadra ay nahulog noong Nobyembre 2 at kinailangang operahan pa sa ulo at hanggang ngayon ay nasa ospital pa.Isang pagpupulong ang ipinatawag ng Philracom noong Biyernes at natuloy ang karera kinagabihan nang nagkasundo ang mga hinete at pamunuan ng MMTCI na susuriin ang pista kung kinakailangan bago itakbo ang isang karera para matiyak na walang maaaksidente.

Ang nasabing pagpupulong ay tumagal naman ng halos tatlong oras at dinaluhan ito nina Philippine Jockeys’ Association president Gilbert Francisco, Philippine Race Horse Trainers, Inc. president Oliver Franco at MMTCI racing manager Rudy Prado.

Gayunman, nagtataka ang ilang horseowner na parokyano ng Metro Turf  kung bakit sinisisi ng mga hinete ang pista sa pagkaka-aksidente ni Cuadra gayung ayon sa board of stewards ay nagbanggaan ang dalawang kabayo kaya nahulog si Cuadra.

Read more...