Ang paksa ay ang panawagan ng Pambansang Kamao tungkol sa pamamahagi ng kayamanan para sa mahihirap nating kababayan.
Ayon kasi kay Pacman ay magkaroon daw sana ng puso ang mga mayayaman na ibahagi naman sa ating mga kapwa Pilipino ang kung anumang meron sila, ‘yun daw kasi ang sinasabi ng Diyos, kaya kailangang magbigay talaga sa mga walang-wala ang mga nakagiginhawa sa buhay.
Walang masama du’n, sabi ng mayayamang nag-uusap-usap, hindi na naman kailangan pang ipagbanduhan sa buong mundo ang mga ginagawa nilang pagtulong sa maliliit.
Sabi ng isang nandu’n, “Siya ang magsimula sa ipinangaral niya, siya ang magpasimuno, tutal, alam niya naman pala ang nararapat gawin.
Saka gawin niya ‘yun sa capacity niya bilang meron at hindi dahil sa katayuan niya ngayon bilang politiko.
“Magkaiba kasi ‘yung namimigay siya dahil galing talaga ‘yun sa puso niya, kesa sa namimigay nga siya, pero meron naman siyang hinihintay na kapalit sa bandang huli.
“Politiko siya, e. Natural, ganu’n talaga ang mga politicians, namimigay sila dahil meron silang inaasahang boto pabalik pagdating ng election.
Sana, makita nating ginagawa niya ‘yun sa lahat ng places sa Pilipinas, hindi sa lugar na nasasakupan lang niya,” reaksiyon ng isang maykaya sa buhay.
Kunsabagay ay wala namang makahuhusga sa mga ginagawang pagtulong ni Pacman, walang nakakaalam kung ano talaga ang kanyang motibo sa ginagawa niyang pag-ayuda sa kanyang mga kababayan, ang dahilan lang ng pagpansin sa kanyang mga ginagawa ngayon ay dahil sa pagiging politiko niya.