SUKDULAN na ang balitang pinugutan ng anak ang kanyang ama at inilaga ang ulo. Pinatay din ng anak ang ina.
Talagang sukdulan na ito. Kahindik-hindik na ito. Bago naganap ito ay may nauna pang mga balita hinggil sa mga may sayad, sa mga baliw. Isa na rito ang nang-hostage ng kanyang pamilya sa kalye Main, Sampaloc, Maynila nang malamang muli siyang dadalhin sa National Center for Mental Health sa
Mandaluyong para ipasuri na naman. May isa pang may sayad na muntik nang patayin ang kanyang dalawang nakababatang kapatid sa Caloocan, kung saan naroon din ang sangay ng National Center forMental Health.
Sa pagbabalik-tanaw, tanging si dating Pangulong Carlos P. Garcia lamang ang may puspusang suporta sa pagamutan ng baliw. Ipinagpatuloy din ito ng dating Pangulong Diosdado Macapagal, pero di rin nagtagal. Hanggang sa ang kasalukuyang pangulo ay naglaro sa isipan ang balak na ibenta na lang ang
NCMH at magpatayo ng bago sa isang malayong lalawigan (bilyones nga naman ang kikitain kapag ibinenta sa pribadong sector ang NCMH sa Mandaluyong. At kasya ang isang mall kapag ibinenta na rin ang NCMH Caloocan na nasa magandang lugar sa Camarin). Hindi lang sa Metro Manila makikitang pagala-gala ang mga may sakit sa pag-iisip, bagaman karamihan
sa kanila ay di naman mararahas at nananakit. Pero, sila’y nakaambang peligro pa rin sa mga dumaraan, lalo na sa mga bata na pumapasok sa eskuwela.
Sa mga pagamutan ng mga baliw sa iba’t ibang lugar sa bansa (at iilan na lang ang mga ito dahil nagsasara na ang iba, o kundi’y inililipat ang pasanin sa lokal na sangay ng kalusugan), ang panunturan ay pauwiin ang pasyente kapag may mga kamag-anak na puwedeng mag-alaga. Sa Estados Unidos at Europa, hindi maaaring alagaan sa bahay ang baliw at kailangang gamutin at manatili sila
sa ospital o asilo. Ginugugulan ng pansin, panahon at pera ng gobyerno kung paano pagalingin ang mga baliw para muli silang ibalik sa lipunang pinanggalingan para muling mapakinabangan at mamuhay.
Kung di na kaya ng NCMH na gamutin ang dumaraming bilang ng mga baliw, huwag nating sisihin ang Pangulo, ang Department of Health, ang ospital. Ang ating sisihin ay ang mga politiko sa Kamara’t Senado, na tagalang pinabayaan na ang kalagayan ng mga baliw.
May pondo’t programa kontra TB, dengue, AIDS, swine flu, cancer, atbp. Pero, walang pondo’t programa para gamutin ang mga baliw.
Tama si Rakuyal, na pinagtatawanan noong panahon ni Marcos. Para sa kanya, ang mga politiko ang dapat ilagay sa mental hospital.
BANDERA Editorial, 092409