MJM Builders-FEU nasilat ng Tanduay

Mga Laro sa Huwebes
(Ynares Sports Arena)
12 n.n. Bread Story-LPU vs Cagayan Valley
2 p.m. Racal Motors vs Café France
4 p.m. Tanduay Light vs Hapee
Team standings: Jumbo Plastic (2-0); Café France (1-0); Cagayan Valley (1-0); Hapee (1-0); Tanduay Light (1-0);
Cebuana Lhuillier (1-1); Wangs Basketball (1-1); MP Hotel (1-1); Bread Story (0-1); Racal Motors (0-1); AMA (0-2); MJM M-Builders (0-2)

SINANDALAN ng Tanduay Light ang husay ni ex-PBA player AJ Mandani para itakas ang 78-77 panalo laban sa MJM M-Builders-FEU sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Naipasok ni Mandani ang reverse shot sa inbound play ni Gab Banal upang tapusin ang kapana-panabik na laro na pinatingkad pa ng paglalaro ni Mac Belo sa MJM M-Builders.

Si Belo ay may kontrata pa sa Tanduay (dating Boracay Rhum) pero isinuot ang uniporme ng MJM M-Builders dahil sinusuportahan ng koponan ang FEU na siyang pinaglalaruan ng 6-foot-4 cager sa UAAP.

Tumapos si Belo taglay ang 13 puntos pero hindi nito napigilan ang pagbagsak ng koponan sa 0-2 baraha.

Nauna nang sinabi ni Rhum Masters coach Lawrence Chongson na hindi mangingimi ang koponan na pumunta sa korte kung hindi babalik si Belo para mapangalagaan ang kanilang karapatan.

Magandang panimula ang naipakita ng Hapee matapos ang 69-61 panalo sa AMA University Titans habang hinawakan ng Jumbo Plastic ang solo liderato sa pamamagitan ng 63-61 tagumpay sa Cebuana Lhuillier Gems.

Si Troy Rosario ay may 12 puntos at dalawa lamang ang kanyang naisablay sa walong buslo mula sa bench.

Read more...