GINEBRA BABANGON KONTRA BLACKWATER

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Kia vs Globalport
7 p.m. Barangay Ginebra vs Blackwater
Team Standings: Alaska Milk (3-0); San Miguel Beer (3-0); Barangay Ginebra (2-1); Meralco (2-1); NLEX (2-1); Talk ‘N Text (2-2); Rain or Shine (2-2); Globalport (1-2); Kia Sorento (1-2); Purefoods Star (1-2); Barako Bull (0-3); Blackwater (0-3)

SISIKAPIN ng Barangay Ginebra na makabawi sa masaklap na kabiguan sa pagtatagpo nila ng Blackwater Elite sa PBA Philippine Cup mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Sa unang laro sa ganap na alas-4:15 ng hapon, pipilitin din ng Globalport na makabalik sa win column kontra Kia Sorento.

Maganda ang naging simula ng Gin Kings na nagwagi kontra Talk ‘N Text (101-81) at Kia Sorento (87-55). Subalit sila ay hiniya ng NLEX, 97-81, noong Miyerkules.

Laban sa Road Warriors ay nakontrol ng Gin Kings ang laro sa unang tatlong quarters bago tumiklop sa fourth kung saan nalimita si Japeth Aguilar sa dalawang puntos matapos gumawa ng 15 sa first half.

Alam ni Barangay Ginebra coach Jeffrey Cariaso na kaya nilang makabawi subalit pinaalalahanan niya ang mga bata niya na huwag magkumpiyansa sa Elite.

Ang Elite ay nakalasap ng kabiguan buhat sa Kia (80-66), Rain or Shine (82-75) at Meralco (83-75).

Laban sa Bolts, may tsansa sana ang Elite na magwagi nang hindi dumadaan sa overtime. Subalit tumawag ng jumpball ang referees imbes na ibigay ang ball possession sa Elite matapos ang isang rebound play sa dulo ng regulation period.

Matapos na manalo sa  Blackwater noong opening day, ang Kia ay natalo sa Barangay Ginebra at Rain or Shine, 117-88.

Sa kabila ng pagkatalo, sinabi ni assistant coach Glenn Capacio na hindi nila kailangang gambalahin ang kanilang head coach na si Manny Pacquiao na naghahanda para sa kanyang world title fight. Mapapasabak si Capacio sa dati niyang koponan dahil sa minsan siyang nagsilbi bilang assistant coach ng Globalport.

Ang Globalport ay may 1-2 karta at ang tanging tinalo nito ay ang Barako Bull, 91-81.

Ang Batang Pier ay natalo sa NLEX (96-101) at defending champion Purefoods Star (71-85) matapos makapagposte ng malaking kalamangan sa umpisa ng laro.

Read more...