MAY ilang industriya pala ng mga patrabaho dito sa Pilipinas na mga dayuhan ang kinukuha imbes na mga Pilipino.
Okay lang kung walang kakayahan ang mga Pinoy sa mga trabahong iniaalok, ang kaso may kakayanan nga ang mga Pinoy pero sa mga dayuhan pa rin ito napupunta.
Bakit nga ba ganito ang nangyayari? Bakit nauuna pang magkatrabaho ang mga dayuhan kaysa sa mga Pinoy, gayong alam naman natin na napakaraming Pinoy ang walang trabaho sa ngayon.
Dati-rati napabalitang malaki ang kakulangan sa mga manggagawang ito, kung kaya’t dinagsa rin ang pagkuha nang naturang kurso.
Ngunit iba na ngayon ang kalagayan, sa halip na para sa kanila ang mga trabahong akala nila’y kaya nilang punan, nakuha na ito ng ibang lahi.
Hindi na natin tutumbukin kung anong industriya ang tinutukoy natin at iniimbestigahan na ito ng Department of Labor and Employment (dapat lang, noh!)
Sana naman unahin ang mga Pinoy na mabigyan ng trabaho ng mga naglalakihang kompnayng ito.
Minsan ay binisita natin si Labor Undersecretary Reydeluz Conferido nang siya ay maoperahan.
Katulad ng dati, walang kapaguran sa pagpapaliwanag si Conferido sa mga programa ng DoLE.
Kasalukuyang itinutulak ng departamento ang paghahanda sa mga patrabahong puwede nang balikan ng ating mga kababayan tulad na lamang ng mga guro.
Kaya nga nakasentro na ‘anya ang Aquino administration sa pagpapaigting ng pagbibigay proteksyon sa ating mga OFW at hindi na nagpo-promote ng mga kakayahan ng OFW na maaaring kailanganin sa ibayong dagat.
Tulad na lamang sa mga guro, nabanggit na ni Sec. Rosalinda Baldoz na maraming bakante hanggang taong 2016 para sa ating mga teacher.
Kaya hinihikayat ng DOLE na abutin at kumpletohin na ang mga requirements na kinakailangan at nang kahit nasa ibayong dagat pa sila, puwedeng puwede nang maasikaso ang kanilang mga dokumento at maisakatuparan na ang matagal na nilang pagnanais na makabalik na ng bansa.
Isang guro na ngayon ay OFW sa Papua New Guinea na si Edgar Gustilo ang sumagot sa panawagan ng DoLE.
Natuwa anya siya nang mabasa sa Philippine Daily Inquirer ang artikulo ng Bantay OCW na may titulong “In the Philippines, you’re the Boss”.
Isang bukas na paanyaya nga ito ng pamahalaan sa ating mga OFW na subukang bumalik na ng bansa dahil may trabahong naghihintay sa kanila rito.
Sa ngayon ay inaasikaso na ng DoLE ang application ng guro at ayon kay Conferido hihintayin na lamang ang resulta ng kanyang kahilingan.