Rafanan nagtala ng bagong shotput mark

BINIGYAN ni Kenneth Paul Rafanan ang sarili ng magandang pamamaalam sa pagsali sa taunang Milo Little Olympics nang magwagi sa shot put event na ginagawa sa Marikina Sports Center, Marikina City.

Nag-iwan ng impresibong marka ang 16-anyos at graduating student ng Emilio Aguinaldo College na si Rafanan nang burahin ang sariling meet record sa 12.96 metrong tapon sa bolang bakal na may bigat na 6 kilograms. Ang dating marka ni Rafanan ay 12.55m noong nakaraang taon sa Cebu City.

Determinado ang atleta dahil hindi siya nakasali sa paboritong event sa NCR elimination na ginawa sa nasabing palaruan.

“Umuwi po kasi ako sa Nueva Vizcaya at second na ako dumating. Nag-qualify ako dahil nanalo ako sa discus throw kaya masarap ang pakiramdam dahil personal best ko ito,” pahayag ni Rafanan na may taas na 5-foot-8.

Ang kampeon sa NCR na si John Manahan ang pumangalawa sa 12.68m habang si Mark Conrad Manipon ng Luzon ang pumangatlo sa 12.63m.

Ang ipinakita ni Rafanan ay magandang pabaon papasok sa mas mataas na antas ng kompetisyon.

Read more...