Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Barako Bull vs Globalport
5:15 p.m. San Miguel Beer vs Purefoods Star
BAHAGYANG pinapaboran ang San Miguel Beer kontra nagtatanggol na kampeong Purefoods Star sa kanilang pagkikita sa PBA Philippine Cup mamayang alas-5:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sa unang laro sa ganap na alas-3 ng hapon ay babawi ang Globalport at Barako Bull na kapwa galing sa kabiguan.
Ang Beermen, na ngayon ay hawak ni Leovino Austria, ay namayani kontra Rain or Shine, 87-79. Ang Purefoods (dating San Mig Coffee) ay tinambakan ng Alaska Milk, 93-73.
Bagamat nasiyahan si Austria sa unang panalong naitala ng kanyang koponan ay sinabi niyang kailangang mag-improve pa ang Beermen.
Ang Beermen ay pinamumunuan ng reigning Most Valuable Player na siĀ June Mar Fajardo at dating MVP na si Arwind Santos na susuportahan nina Chris Lutz, Marcio Lassiter, Chris Ross at Doug Kramer.
Dehado ang Purefoods Star Hotshots dahil lalaro sila nang hindi kasama ang Asian Games veteran na si Marc Pingris. Idagdag pa rito na mawawala ng anim na buwan ang sophomore na si Ian Sangalang dahil sa napunit ang ACL nito sa laro kontra Alaska Aces.
Umaasa si coach Tim Cone na ang bubuhat sa Purefoods ay sina James Yap, Peter June Simon, Mark Barroca at Joe Devance.
Ang Barako Bull, na ngayon ay hawak ni Koy Banal na humalili kay Siot Tanquingcen, ay natalo sa double overtime, 112-108, sa Meralco samantalang ang Globalport ay pinataob ng NLEX, 101-96.
Masaklap ang naging kabiguan ng Batang Pier dahil lumamang sila ng 10 puntos sa third quarter subalit nahabol ng NLEX sa fourth period.
Mga guwardiya ang gumawa para sa Globalport. Si Terrence Romeo ay nagtala ng 33 puntos. Si Alex Cabagnot ay nagposte ng 23 puntos samantalang ang top draftee na si Stanley Pringle ay nagdagdag ng 14 puntos.
Samantala, tinambakan ng Barangay Ginebra Kings ang Kia Sorento, 87-55, sa kanilang PBA out-of-town game kahapon.