Bida sa athletics, bida sa academics

HINDI hadlang para kay  Gianeli Gatinga ang pag-aaral para makilala sa larangan ng palakasan.

Ito ang sinandalan ni Gatinga para makuha ang kanyang kauna-unahang gintong medalya sa secondary girls   long jump kahapon sa Milo Little Olympics National Finals  sa Marikina Sports Center, Marikina City.

Ang 14-anyos at 5-foot-2 atleta ng St. Francis of Assisi College ng Taguig ay nakalundag ng personal best 5:15 metro sa ikaapat na attempt para makapagtala rin ng bagong record sa taunang palarong ito na itinataguyod ng Milo.

Nahigitan niya kahapon ang pambato ng Visayas team na si Nina Antiola ng University of San Carlos na tumalon ng 5:07 metro.

Ang dating Milo Little Olympics record sa secondary girls long jump ay 5.08 na itinala ni Angel Carino ng NCR team noong isang taon sa Cebu.

Isang grade 9 student, si Gatinga ay unang nanalo ng ginto sa Milo Little Olympics noong siya ay grade six pa lamang sa 200-meter run.

“Matagal na po akong nanalo kaya naman masayang-masaya ako dahil personal best pa ang nakuha ko,” wika ni Gatinga.
Ang dating best leap ni Gatinga ay nasa 5:06 metro lamang na naitala noong isang taon sa Cebu kung saan pumangalawa siya kay Carino.

Aminado si Gatinga na mahirap sa isang gaya niyang student-athlete na nasa honor roll pa na pagsabayin ang pagsasanay at pag-aaral pero kinakaya niya dahil sa pangarap na manalo rin sa malalaking kompetisyon tulad ng 2015 Palarong Pambansa.

“Nasa top five po ako sa academics at hindi puwede sa St. Francis na magpabaya ng pag-aaral. Pero determinado po ako at kinakaya ko na paghatiin ang oras ko sa pag-aaral at pagsasanay ko. Ngayong nanalo po ako ay mas pag-iigihan ko ang training ko para magka-gold pa sa ibang tournaments tulad ng Palarong Pambansa,” pahayag ni Gatinga na lalaro pa sa triple jump ngayong umaga sa pagpapatuloy ng palarong suportado ng Lungsod ng Marikina at ng Mikasa, Wilson, Molten, Butterfly, Marathon at 2GO.

Read more...