Rodrigo Manahan
DAHIL tag-init na nga-yon, normal na nakakakita tayo ng mga nago-overheat na mga sasakyan, kasama na riyan ang motorsiklo.
Ang kalimitang dahilan ng pag-wild ng motorsilo (terminong gamit ng mga mekaniko para sa overheat), ay ang kakulangan sa langis o kapag mayroong tagas ang makina ng motorsiklo.
Ayon kay Allan, mekaniko sa Renz Motor Accessories, nangyayari ang overheat o ang pag-wild ng motorsiklo kapag malayuan ang biyahe ng rider nang hindi sinusuri ang kanyang langis, o kapag hindi nadadagdagan ng langis ang motorsiklo.
Isa ring itinuturong dahilan ng overheat ay ang sobrang pagharurot ng motorsiklo.
Ilan pang dahilan kung bakit nago-overheat ang makina ng motorsiklo ay dahil kinukulang sa langis, barado ang muffler, nauubusan ng tubig ang water cooling at sobrang lapot ng langis sa makina.
Malalamang nago-overheat na ang motor kapag merong narinig na tila sumingaw mula sa makina nito.
Ayon sa mga mekaniko, malalaman na nag-overheat ang makina kung sobrang init ng singaw lalo na sa block ng motorsiklo.
Kahit na anong piga sa throttle o selinyador ay hindi na ito magkakarga ng langis kaya tuluyang mamamatay ang makina ng motorsiklo.
Palatandaan na nag-overheat na ito ay pag mahirap o matigas sipain ang kick starter.
Ito ay dahil stock-up na ang piston ring ng makina.
Kaya mas makabubuting huwag nang pilitin paandarin ang makina at hayaan munang lumamig ito.
Ayon kay Allan, ang mabisang paraan kapag nakaranas ng overheat habang nasa kalye ay tapakan ang kambiyo ng motorsiklo, kontrolin ang manibela upang hindi madisgrasya saka i-off ang susi ng motorsiklo at saka gumilid sa kalsada.
“Kapag nag-wild dapat nilang tapakan ang kambiyo, saka patayin ang susi at kontrolin ang manibela.
Yun na bale ang magiging engine break ng motorsiklo.” Ayon pa kay Allan.
Dagdag pa ni Allan kung merong tagas sa makina, dapat itong takpang mabuti, magdagdag ng langis kung nabawasan at saka dalhin sa pinaka malapit na motorshop upang ipaayos.
Ilan pang tips kapag nag-overheat ang motor:
Ayon sa mga eksperto, kapag nag-overheat ang makina ay bigla itong hihinto, kaya mainam na hayaang lumamig ang makina.
Marami sa mga rider na inaakalang pumalya lang ang spark plug ng motorsiklo kapag tumirik subalit mainam na huwag munang baklasin kapag mainit pa ang spark plug.
Kapag nagkamali ka ng baklas at kabit ng spark plug may posibleng masira ang tread ng cylinder head ng motorsiklo at posibleng lalong lumala ang sira.
Paano maiiwasan ang overheat
Sa mga 4 stroke, siguraduhing maayos at nasa hustong dami ang langis ng makina.
Huwag din tatanggalin ang plastic cover na nakakabit sa makina na nasa bandang block o cylinder kung saan nakalagay ang piston at piston ring ng motorsiklo, ito kasi ang nagsisilbing cooling system.
Sa mga 2 stoke, kung maaaring kada apat na buwan ay mapatingnan sa mekaniko kung ayos pa ang piston ring dahil mas mabilis mag-stock-up ang piston ring dahil sa inihahalong 2t oil.
Sa mga motorsiklong ginawang tricycle ay siguraduhing nasa tamang break-in ang makina bago kabitan ng sidecar at ipasada.
Kapag nakaranas na ng overheat ay patingnan na sa mekaniko ang motorsiklo dahil kapag hindi ay siguradong muli itong mag-ooverheat.