Ang kahanga-hangang pandesal vendor

LAHAT tayo ay naawa sa batang nagtitinda ng pandesal na hinoldap ng P200. Nagalit tayo kung bakit kailangang mangyari ito, at lalo pang kumulo ang ating dugo nang malaman na hindi makilala ang kawatan kahit nakunan ito ng CCTV camera.

Lalo pang nakapagngingitngit nang bumuhos ang tulong ng gobyerno para sa bata, na sana ay dapat noon pa tumulong, nang hindi pa nangyayari ang insidente.

Usap-usapan ang kwento ng batang si Bryan.

Maawa tayo, magalit tayo, usigin natin ang pamahalaan na dapat ay matagal nang tumulong sa tulad ni Bryan.

Pero may bagay na hindi natin dapat kalimutan — ang hangaan natin ang batang gaya ni Bryan. Kahanga-hanga talaga ang batang ito dahil sa kanyang murang edad, alam niya ang makipaglaban sa hamon ng buhay. Tumutulong sa kanyang pamilya, tinutulungan ang kanyang sarili. Hindi umaasa sa pamahalaan.

There were stories like this, stories close to home, stories I know by heart. And these were stories of working children in the past, sacrificing their youth so that they could study and pursue their dreams.

Narito ang isang kuwento ng batang nasa lansangan para magtrabaho.

Hindi gaya ni Bryan, di pandesal ang kanyang inilalako kundi dyaryo.

Kamag-aral ko siya sa Mataas na Paaralan ng Lungsod ng Olongapo. Bukod sa dyaryo, nagtitinda rin siya ng supot sa palengke.

Naging janitor din siya.

Sa dami ng trabaho niya, mamamangha ka na kung paano pa niya nagagawang pumasok sa eskwela. Hindi rin siya lumiliban sa paaralan at aktibo sa mga gawain dito.

Sa katunayan, kasama pa namin siya noon sa Central Board of Students at naging aktibong campaign manager ko pa nga sa panahon ng kampanya para sa CBS.

Hindi nahinto ang pagtitinda niya ng dyaryo at supot noong nasa kolehiyo, janitor pa rin siya pero sa paaralan na kung saan siya ay kumukuha ng kurso sa kolehiyo.

Ganu’n pa rin siya, sa tantiya ko nga’y mas lalong naging aktibo sa mga gawain sa paaralan. Sumali sa mga organisasyon na ang laging ipinaglalaban ay mga isyung may kinalaman sa kolehiyo, sa pamayananan, at lipunang ginagalawan.

May mga pagkakataon marahil na sinisi din niya ang pamahalaan at tinanong kung bakit hindi niya maramdaman ang tulong nito sa panahon ng labis na kahirapan.

Pero hindi niya hinayaang maging sagabal ito sa pagtulong niya sa sarili upang dumating ang panahon na wala na siya sa ganoong kalagayan.
Nasaan na siya ngayon?

May sariling pamilya, matagumpay sa larangang kanyang tinahak, at isang inspirasyon sa mga nakakikilala sa kanya.

Paumanhin Fernando “Nanz” Ancheta, ibinahagi ko ang kuwento mo nang walang paalam.

Nais ko lang bigyang puntos na ang kahirapan na nilalabanan ni Bryan ay napagdaanan din ng ibang bata na gaya mo, pero nagtagumpay!

More than pity and more than anger in the lack of immediate action to address the traumatic experience of Bryan, my heart is filled with admiration to the boy’s determination.

Si Bryan, sa katunayan, sa ibang pagtingin ay isang inspirasyon ng tunay na paglaban sa buhay na may dangal at karangalan.

Read more...