IPINAKITA ni International Boxing Organization (IBO) junior flyweight champion Rey “Hitman” Loreto ng Davao City sa harap ng kanyang mga kababayan kung bakit siya naging kampeon sa buong mundo nang patumbahin si Heri Amol ng Indonesia sa ikapitong round sa Almendras gym sa Davao City noong Sabado ng gabi.
Unang pinatumba ni Loreto si Amol sa ikalimang round sa pamamagitan ng kanyang kaliwa’t kanan na kombinasyon. Ngunit umiiwas at umaatras na si Amol sa sumunod na round.
Subalit tinamaan ng isang matinding suntok ni Loreto si Amol sa ika-2:53 marka ng ikapitong round. Hindi na pinatapos ni Amol ang pagbilang ng referee na si Bruce McTavish at sumuko na agad ito dahil sa dumudugong ilong.
“Nagpapasalamat ako sa Panginoon at kay Pastor Apollo Quiboloy sa pagbigay sa akin ng pagkakataon na makalaro dito sa Davao,” ani Loreto.
Sina dating IBO super flyweight champion Edrin Dapudong at dating world-rated Denver Cuello ay pinatumba rin ang kanilang mga kalaban na mula pareho sa Thailand.
Pinabagsak ni Dapudong si Wisanlek Sithsaithong sa 2:56 ng ikalimang round habang tinapos ni Cuello ang laban niya kay Jaipetch Chaiyongym sa pamamagitan ng technical knockout sa ikapitong round.
Hindi na kayang lumaban pa ni Chaiyongym matapos mabugbog ang kanyang namamagang kanang mata.
Panalo naman ang lahat ng mga boksingero ng Sonshine Sports sa undercard.
Si dating IBO rated Lorenzo Villanueva ng Cotabato ay panalo ng TKO sa ikasiyam na round kay Gadwen Tubigon of Dipolog.
Knockout sa unang round ang panalo ni Roland Magbanua laban kay Joel Escol.
Si Rommel Asenjo ay nanatiling walang talo matapos nitong manalo sa pamamagitan ng majority decision kay Powel Balaba.
Ang boksingerong Manobo na si Michael Andip Bravo ng Cotabato ay tinalo si Saddam Barambangan ng Sarangani Province sa pamamagitan ng unanimous decision.