HINDI kinaya ng mga PBA player na sina Terrence Romeo, KG Canaleta, Rey Guevarra at Aldrech Ramos ang mas malalaking Kranj ng Slovenia para isuko ng Manila West ang 12-21 pagkatalo sa quarterfinals ng FIBA 3×3 World Tour sa Xebio Sports Arena sa Sendai, Japan kahapon.
Si Romeo, na gumawa ng 18 puntos sa dalawang laro ng Manila West sa unang araw ng kompetisyon para sa 1-1 karta, ay nalimitahan lamang sa apat na puntos para kumulapso ang opensa ng kauna-unahang Philippine team na sumali sa kompetisyon.
Hindi naman nakaabante sa finals ang Kranj na binubuo nina Jure Erzen, Dario Krejic at Boris Jersin, dahil pinatalsik sila ng nagdedepensang kampeon na Novi Sad ng Serbia, 22-13.
Ang nasabing koponan na binubuo ng nangungunang tatlong manlalaro sa mundo na sian Dusan Domovic Bulut, Marko Zdero at Marko Savic bukod sa world’s number eight Dejan Majstorovic ang siyang namayani uli nang iuwi ang 21-11 panalo sa Saskatoon ng Canada sa one-game Finals.
Ang Canada ay nakaabot sa championship nang kalusin ang Denver ng USA, 21-3, sa quarterfinals at Bucharest ng Romania, 19-16, sa semifinals.
May mga side events din na pinaglabanan na shootout contest at dunk contest at si Romeo ay pumasok sa final round sa shootout pero hindi nanalo sa finals.
Nakasali ang Manila West sa kompetisyon matapos tanghaling kampeon sa Manila Masters noong Hulyo nang manalo sa Qatar.
Ang FIBA 3×3 World Tour champion team Novi Sad ay nakapag-uwi ng $20,000 at ticket sa FIBA 3×3 All-Stars habang ang runner-up Saskatoon ay nakatanggap ng $5,000.
Ang slam dunk champion na si Rafal Lipinski ay nag-uwi naman ng $2,000.