NAKAKAPIKON talagang makita ang nanginginig at nanlalatang 12-anyos na Grade 5 pupil na hinoldap sa Calookan habang naglalako ng pandesal.
Para lang makatulong sa magulang, naglalako ang bata sa umaga ng pandesal para ang benta nito ang gagamitin niyang pamasahe patungong eskwela. Pero, nitong Huwebes sa Bgy. 168, Deparo, tinutukan siya ng patalim ng isang lalaki na nagkunwari’y bibili. Hinoldap ang P200 niyang benta.
Ganito na ba kalala ang krimen sa bansa at pati mga batang naghahanapbuhay sa kalye ay pinapatos ng mga kriminal? Nataranta ang gobyerno, nang kumalat sa social media ang video. Sina Caloocan Mayor Oscar Malapitan, at DSWD Sec. Dinky Soliman, nangakong tutulungan ang kawawang bata, na ayon sa kanyang magulang ay na-trauma na at ayaw nang lumabas ng bahay.
Habang isinusulat ko ang kolum na ito, hindi pa nahuhuli ng pulis at barangay ang walanghiyang kriminal. Sabi ng bagong talagang Northern Police District head, Sr. Supt. Jonathan Miano, hindi raw matandaan ng bata ang mukha ng suspek. Wala rin daw testigong nakakita sa insidente. Wala ring ginawa ang mga opisyal ng Bgy168 Deparo sa reklamong idinulog sa kanila ng mga magulang ng biktima.
Sa totoo lang, hindi dapat balewalain nina DILG Sec. Mar Roxas, PNP Chief Alan Purisima at ni Caloocan Mayor Malapitan ang ganitong krimen dahil ito ang salamin ng hustisya sa mata ng pangkaraniwang tao. Isang batang naglalakad ng Ilang kilometro para maghanap ng kabuhayan para sa kanyang pamilya ang hinoldap at ngayon ay naghahanap ng katarungan.
Imposible na hindi alam ng baranggay at mga kapitbahay kung sinu-sino ang mga nangholdap sa bata. Dapat kasuhan ang mga kriminal na ito ng robbery in band at paglabag sa Anti-Child Abuse law. At iyong mga opisyales at mga tanod diyan sa Bgy 168 at pulis sa Police Station 5 sa Deparo na tutulog-tulog sa pansitan at hindi mahuli ang holdaper ay dapat namang sampahan ng obstruction of justice.
Panay ang pagmamayabang ni Roxas sa sinasabi niyang makabagong teknik ng PNP ngayon laban sa kriminalidad na hango pa raw sa sistema ni New York Mayor Rodolfo Giuliani. Naka-Google map na raw ang mga nangyayaring krimen. Pero, ano nang nangyari?
Nakakahiya talaga kung hindi niyo malulutas ang ganitong krimen sa isang takot na takot na batang pandesal vendor. Tandaan ninyo, bubuhos ang tulong ng taumbayan sa kawawang pamilya ng batang ito pero mahalagang-mahalaga na mahuli ang mga buhong at duwag na holdaper na iyan na ang kaya lamang nakawan ay ang mga walang laban na menor de edad. Makakahanap din kayo ng katapat, mga sira ulo!
Editor: Para sa reaksyon at tanong, i-text ang PIKON, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606.
Hinoldap na batang pandesal vendor, sampal sa PNP
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...