Kartero sa VisMin naghahanda kontra PhilPost officials
SA konting pag-ulan ngayon sa Metro Manila, asahan mo na ang matinding trapik at pagbaha sa mga kalsada, na grabe ang perwisyong dulot sa mga pasahero kayat hindi tuloy maiiwasang mag-isip ng publiko kung may ginagawa ba ang mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan para masolusyunan ito.
May ginagawa nga ba ang MMDA at DPWH para maresolba ang problema sa pagbabaha sa Kalakhang Maynila?
Kahapon lang kabi-kabila ang nga ginagawang paghuhukay sa kalsada na siyang lalong nagpapadagdag pa sa problema sa trapiko.
Ipinagmamalaki lagi ng gobyerno na may ginagawa ang DPWH para magawan ng paraan ang matinding pagbaha na nararanasan ngunit imbes na may makita tayong magandang resulta, lalo pang lumalala ang sitwasyon sa Metro Manila.
Kahit sa 30 minutong pag-ulan lamang sa isang lugar, asahan mo na babaha sa mga kalsada. Ang resulta buhol-buhol na trapik at mga stranded na mga pasahero na walang magawa kundi magtiyagang maglakad hanggang sa makasakay at makarating sa kanilang pupuntahan.
Problema na nga sa araw-araw ang trapik kahit walang ulan na nararanasan, lalu pang lalala kapag bumuhos na ang ulan at bumaha na sa mga kalsada.
Trabaho ng MMDA na magkaroon ng kaayusan ang daloy ng trapiko sa mga kalsada sa Metro Manila pero sa nakikita natin, wala naman itong nagagawa.
Basura ang isa sa mga pangunahing sanhi kung bakit konting ulan ay nagbabaha agad. Kung hindi kikilos ang MMDA para tanggalin ang mga basura na nagpapabara sa mga daluyan ng tubig, hindi mababawasan ang problema sa nangyayaring pagbabaha sa Kalakhang Maynila.
Kailan kaya kikilos si MMDA Chairman Francis Tolentino para naman mabawasan ang problema sa mga pagbaha?
Hindi kasi pwedeng idahilan na walang kapasidad ang mga drainage system na saluhin ang tubig na dulot ng mga pag-ulan.
Ano pa ang silbi ng MMDA kung hindi makakahanap ng solusyon sa problemang nararanasan?
Kalbaryo na nga para sa mga ordinaryong mamamayan ang matinding trapik, nais pang palabasin ng MMDA na ang problema sa pagbaha ay parte na ng araw-araw na pamumuhay ng mga tao.
Dumulog naman ang ilan sa mga masusugid na mambabasa ng Bandera hinggil sa problemang kanilang nararanasan. Sa Pikit, North Cotobato, inirereklamo ng 59-taong gulang na residente ng lalawigan ang sunod-sunod na pagpatay sa kanilang lugar.
Ayon sa kanya, sa nakaraang linggo, anim ang naging kaso ng pagpatay na lahat ay hindi nasosolusyunan at ang pinakahuli ang pagpapasabog sa simbahan ng UCCP na ikinasawi ng dalawa katao.
Idinagdag ng ating reader na M-79 ang ginamit sa pagsabog. May panawagan din siya sa mga miyembro ng peace panel ng gobyerno na nagsusulong ng Bangsamoro Basic law na imbestigahan ang nangyaring pag-atake sa mga lider ng UCCP.
Isa pang reader natin na mula naman sa Wao, Lanao del Sur ang dumulog sa Bandera para ireklamo ang hindi patas at umano’y maanomalyang pagbibigay ng performance bonus sa Philippine Postal Corp. (PhilPost).
Ayon sa texter, plano ng mga kartero sa Visayas at Mindanao na magstrike para isiwalat ang umano’y ginagawa ng mga opisyal ng PhilPost.
Aniya, bulsa lamang ng mga opisyal ang umaapaw sa bonus, samantalang hindi binibigyan ang mga frontliners ng PhilPost. Sinabi pa ng reader na maraming mga empleyado ang nasasaktan dahil sa kalakaran sa ahensiya ng pamahalaan.
(Editor: May reaksyon o komento ka ba sa artikulong ito? I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.