NAKAKABILIB ang award-winning rapper na si Gloc9, sa kabila kasi ng tagumpay na tinatamasa niya sa music industry, ay nananatili pa rin siyang humble.
“Ako po’y artist na hindi produkto ng YouTube, hindi po ako produkto ng TV. Ako po’y artist na produkto ng lakad sa kalsada, nagbigay ng demo (tape) sa lahat ng record labels, so kung meron man po ako talagang may ipagpapasalamat ay ‘yung dinaanan kong ‘yun, at dahil du’n, mas mahal ko ang trabaho ko,” unang kuwento ni Gloc9 nang makatsikahan namin siya kamakailan bilang latest talent ng PPL Entertainment na pag-aari ni Perry Lansigan.
Ni isa raw sa record labels na binigyan ni Gloc9 ng demo tape noon ay walang pumansin sa kanya. Kaya nagpapasalamat siya kay ABS-CBN executive, Enrico Santos nang bigyan siya nito ng break.
“Siya ‘yung nakakuha ng demo tape ko na, actually scrap na ‘yun, eh, dinampot nila, napakinggan nila tapos pinahanap nila ako, after mga ilang buwan, nakita nila ako at doon na nagsimula.
Nag-record po ako ng songs for movie na ginagawa nila that time na ‘Trip’,” pahayag ng rapper.Ang pelikulang “Trip” ay mula sa Star Cinema na pinagbidahan nina Kristine Hermosa, Heart Evangelista, John Prats, Marvin Agustin at Jericho Rosales na ipinalabas noong 2001 na idinirek ni Gilbert Perez.
“Doon na talaga nagsimula ang career ko, nag-release ako ng dalawang album sa Star Records, 2003 at 2005. Taong 2006 to 2011 nalipat po ako sa Sony Music, tapos 2012 (hanggang ngayon) nalipat ako ng Universal.” Sa pitong album na nagawa ni Gloc9 ay nakatikim naman siya ng platinum at gold.
Sa tanong namin kung malaki ba ang kinikita ng isang singer, “Malaki po ang kita kung siya rin po ang sumusulat ng sariling kanta dahil bukod sa mga show, ang publishing earnings ay sa songwriter,” aniya.
Nakapagtapos ng nursing si Gloc9 pero hindi nakakuha ng board exam, “2010 po ako gumradweyt ng nursing, pero hindi ako nakapag-board, at that time kasi na naka-graduate, doon na dumami ang trabaho ko.
Sabi ko nga po, sana pag dumating ‘yung time na gusto ko ng mag-nurse, e, hindi ko na kailangang mag-nurse,” birong sabi ng singer.
Pero bago siya naging kilalang rapper ay naging kitchen helper, service crew (fast food chain), at researcher sa ABS-CBN, “From madumi to malinis na trabaho po pnagdaanan ko.
Kaya sabi ko nga po sa mga anak ko, hindi ako takot lumipat na kahit anong trabaho dahil alam ko lahat at napagdaanan ko.”
Simple lang din ang pangarap niya, “Makapag-provide po para sa mga anak ko ng magandang buhay.
Kung meron man akong gustong ma-achieve ay pag wala na ako ay maging proud ‘yung mga anak ko sa mga nagawa ko na ipagmalaki nilang ako ako ‘yung tatay nila.
“Kambal po ang anak ko, babae at lalaki po na 10 (years old) kaya medyo nagde-debate na kami. Pareho po silang mahilig sa music, ang rule ng daddy, finish school before anything. Ayoko rin po kasing maranasan nila ‘yung hirap na dinanas ko,” aniya.