ISA si direk Gina Alajar sa mahuhusay nating aktres mula noon hanggang ngayon. Pero mukhang mas nag-eenjoy na siyang magdirek ng mga teleserye dahil sa halos sunod-sunod niyang proyekto sa GMA 7.
“Thankful, grateful, proud siyempre,” ang ilan sa mga salitang binitiwan ng de-kalibreng aktres sa opportunity na ibinibigay sa kanya ng Kapuso network bilang isang direktor.
“Nagkataon din kasing gustung-gusto ko yung mga projects nila, like this one, ang Yagit,” hirit pa ni direk Gina. Malaking challenge raw sa kanya yung mabigyan ng bagong mukha at panlasa ang dating sikat na 80’s soap na naging malaking pelikula din noong mga panahong yun.
“Mula sa pag-update ng story, big challenge din yung paghahanap ng mga bagong mukha na gaganap sa mga batang bida,” sey pa nito sabay pagmamalaki sa mga baguhang sina Judie de la Cruz bilang si Jocelyn, ang pinakaate ng grupo; Jemwell
Ventinilla as Tomtom; ang nakababatang kapatid ni Zaijian Jaranilla na si Zymic Jaranilla bilang si Ding; at si Chlaui Malayao bilang si Eliza, na magiging anak nina Yasmien Kurdi (gumaganap bilang si Dolores na dating bar girl) at James Blanco (bilang si Victor na isang anak-mayaman).
“Nakakabata talaga,” ani direk Gina sa pakikipagtrabaho sa mga bagong child stars ng GMA, pati na rin ang younger set of actors niya sa serye.
Kaya nga raw siguro hindi na niya kailangang ma-in love pa dahil love na love niya ang kanyang trabaho. “I can say na ito na ang asawa ko ngayon,” natatawa pang hirit ni direk.
Ang iba pang kasama sa Yagit na mapapanood na sa Lunes kapalit ng Dading sa Afternoon Prime ng GMA ay sina Wowie de Guzman, Kevin Santos, LJ Reyes, Renz Fernandez, Racquel Villavicencio, Rich Asuncion, Ina Feleo, Maricris Garcia, Franco Magalona at ang isa pang baguhang child star na si Steph Yamut.