Nag-ugat ang istorya sa diumano’y ginawang pambabastos ng dalawang miyembro ng Philippine Azkals kay Ms. Cristy Ramos na ngayo’y dinidinig na, dahil du’n ay nadamay sa gulo pati ang iba pang miyembro ng tropa na wala namang nagawang pagkakamali.
Bilang isang girlfriend na nasaktan sa mga sinabi ni Arnold Clavio ay natural lang na nagdamdam si Angel.
Ayon sa dalaga ay madali lang manira, pero mahirap magbuo, nag-init ang kanyang ulo dahil sa sinabi ng news anchor na hindi naman kasi purong Pinoy ang mga players ng Azkals at hindi dito sa Pilipinas lumaki ang mga miyembro ng grupo.
Dahan-dahan lang sa pagsasalita, sabi ni Angel, at sa kanyang opinyon ay pangalan naman ng Pilipinas ang dinadala ng tropa kapag nakikipaglaban sila sa iba’t ibang bansa.
Tulad na lang nitong huling pananalo nila sa Katmandu, Nepal, ipinagbunyi ng mga kababayan natin du’n ang Philippine Azkals, ipinagmamalaki sila ng ating mga kalahi du’n dahil Pilipinas pa rin ang dinadalang pangalan ng tropa kahit pa hindi naman purong-purong Pinoy ang kanilang dugo.
Madaling unawain kung saan nanggagaling si Angel Locsin, nasaktan siya para kay Phil, na hindi man isandaang porsiyentong Pilipino ang dugo ay ginagawa naman ang lahat-lahat para mabigyan ng karangalan ang ating bansa sa pakikipagrambulan nila.
‘Yun naman ang totoo.