MARAMING nag-text at nag e-mail sa amin tungkol sa nakaraang promo ng Dahil Sa Pag-Ibig sa ASAP 2012, kitang-kita raw nila na sobrang sweet si Cristine Reyes sa leading man niyang si Piolo Pascual.
Halata raw na ang aktres pa ang nagpapakita ng motibo kay Piolo.
“Alam namin na malapit po kayo kay Rayver Cruz, ask lang namin kung break na sila ni Cristine?
Concerned po kami kasi iba ‘yung kilos ni Cristine sa ASAP nu’ng Linggo,” ayon sa isang texter.
Maski nga raw mga tao sa studio ay nagugulat sa kilos ni AA, pero sabi nga namin wala naman kaming alam na problema sina Cristine at Rayver dahil okay naman sila.
Marahil ay para lang ito sa promo ng Dahil Sa Pag-Ibig. Di ba, ganu’n naman talaga bossing Ervin, kapag may pino-promote ang artista, dapat paniwalain ang viewers na may nangyayari kahit wala naman talaga? (Tomoh!!!
Alam na alam ko na ‘yan! Ha-hahaha! – Ed)
Pero ang katwiran ng mga nagte-text sa amin ay hindi man lang nila nakitang nilapitan ni Cristine si Rayver after ng ASAP 2012 at sa production number ay magkalayo rin daw ang dalawa.
Hindi kami nakakapanood ng ASAP kaya hindi kami makapag-react, pero maaaring nag-usap na sina Rayver at Cristine na pang-promo lang ang sweetness nila ni Piolo.
Ngayon kung hindi sila nakapag-usap o hindi rin nagpaalam si Cristine kay Rayver tungkol dito lalo na sa kissing scenes nila ng leading man niya, e, malaking kuwestiyon nga iyon.
Kilala naming hindi seloso si Rayver at parati niya itong sinasabi sa interviews niya kaya ito na lang panghahawakan namin.
At sa tingin namin ay hindi rin naman siguro papatulan ng leading man niya si Cristine dahil baka magulo na naman ang buhay niya, e, mas madaldal si AA kesa kay KC Concepcion, ‘no!
Well, kung maraming nagulat sa promong ito ng dalawa para sa Dahil Sa Pag-Ibig, iisa lang ang ibig sabihin, effective ang loveteam nina Cristine at Piolo Pascual.