Bandera Exclusive : KFR groups nabuhay

Fil-Chinese businesswoman dinukot

Ni John Roson

NAAALARMA na naman ang mga negosyanteng Filipino-Chinese sa Binondo, Maynila sa posibleng pagtaas muli ng insidente ng kidnap-for-ransom matapos dukutin ng tatlong armadong kalalakihan  ang isang matandang negosyanteng babae Biyernes ng gabi sa Juan Luna st., Muelle de Binondo.

Papauwi na ang biktima (sinadyang hindi pangalanan ng BANDERA) mula sa kanyang tindahan, kasama ang isang kasambahay at driver nang harangin ng mga suspek alas-6:45.

Ang biktima ay isa umanong wholesaler ng gatas at asawa ng dating barangay chairman.

Ayon sa source ng BANDERA, na tumangging pa-ngalanan dahil sa kawalan ng otoridad para maglabas ng mga impormasyon hinggil rito, sakay ng isang taxi  ang mga suspek nang biglang harangin ang sasakyan ng biktima na isang L-300 van.

Armado ng mga short fiream, pinababa ng mga suspek ang kasambahay at naiwan ang negosyante at ang driver.

Sumakay ang mga suspek sa van saka pinaharurot ang sasakyan papalayo.

Ilang oras matapos ang insidente ay nakatanggap ng tawag ang pamilya ng biktima at humihingi umano ng P50 milyon ransom kapalit ng pagpapalaya sa negosyante na 70-anyos na.

Sinasabing nakipag-coordinate na diumano ang pa-milya sa pulisya, partikular na sa Anti-Kidnapping Group.

Ngunit itinanggi sa BANDERA  ng opisyal ng AKG na meron silang opisyal na report ng pagkakadukot sa nasabing negosyante.

Ayon kay Senior Supt. Isagani Nerez, direktor ng PNP AKG, dalawang kaso pa lang ng pagdukot ang naitatala ng kanyang tanggapan ngayong taon.

Ang una aniya’y naganap sa Mindanao noong Peb. 1 at ang huli’y sa Luzon noong huling bahagi ng parehong buwan.

“Wala pang nare-report (na padukot sa Metro Manila) sa amin officially. Itong mga nasa records namin ay ‘yung confirmed na ginawa ng organized crime groups for ransom,” sabi ng police official sa BANDERA.

Hindi rin aniya kasama sa bilang ang umano’y pagdukot at pagpatay ng mga pulis kay Leah Ng, na natagpuang patay sa isang septic tank sa Laguna noong Peb. 22.

“Hindi kasama dun sa record namin yung may motive na murder or collection ng monetary obligation,” ani Nerez.

Una nang napabalita na dinukot at pinatay si Ng dahil nakaaway nito sa negosyo ang isang police official.

Samantala, ilang opisyal ng mga grupo ng negosyanteng Filipino-Chinese sa Binondo ang naaalarma sa maraming insidente ng karahasan sa China town nitong mga nakaraang linggo, at ang hindi pagkilos ng pulisya rito, partikular na ang Manila Police District Station 11 na pinumumunuan ni Supt. Ferdinand Quirante.

“Two weeks ago merong negosyanteng Fil-Chinese ang binaril ng riding-in-tandem dahil inagaw yung kanyang bag.

“Tapos last week yung empleyado ng China Bank binaril din sa tapat mismo ng bangko.

Tapos ngayon kidnapping naman,” pahayag ng isang negosyante at miyembro ng Filipino-Chinese Chamber of Commerce.

Read more...